BUNGA ng buy-bust operation sa Pagadian City, nasamsam ang P3.4M halaga ng hinihinalang shabu sa isang mall sa Barangay San Pedro, Pagadian City, nitong Huwebes, Marso 6, 2025.
Tinatayang may bigat na 500 gramo ang nakumpiskang ilegal na droga.
Dalawang suspek ang naaresto na kinilalang sina Jessie Damolo Pada, 38, isang distributor ng school supplies, at Sanny Boy Amrosi Fontanilla, 29, isang laborer.
Pawang mga residente ng Maramag, Bukidnon, nahuli ang dalawa matapos makipagtransaksiyon sa isang undercover operative.
Bukod sa ilegal na droga, nakumpiska rin ang mga sumusunod na ebidensya:
- Isang itim na kahon
- Isang gold tea pack na may markang “GUANYINWANG”
- Dalawang itim na plastic pack
- Isang brown na paper bag
- Boodle money na may tunay na P1,000 bill sa ibabaw
- Dalawang cellphone
- Isang itim na Toyota Fortuner
- Mga dokumento ng bank transactions
Ang mga suspek ay mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Nagpaalala naman ang mga awtoridad sa publiko na maging mapagmatyag at agad iulat ang kahina-hinalang aktibidad, lalo na ngayong mahigpit ang seguridad dahil sa panahon ng eleksiyon.