P30-B mula sa P89.9-B excess funds ng PhilHealth, nai-remit na sa Bureau of the Treasury—DOF

P30-B mula sa P89.9-B excess funds ng PhilHealth, nai-remit na sa Bureau of the Treasury—DOF

NAGING kontrobersiyal ang halos P90-B na sobrang pondo ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na unti-unting ibinabalik sa National Treasury.

Marami ang pumalag at nagsabing hindi katanggap-tanggap ang ulat na may sobra-sobrang pondo ang PhilHealth.

Ito’y lalo’t napakaraming Pilipino ang hindi makapagpagamot dahil walang pambayad sa ospital.

Una nang ipinaliwanag ng Department of Finance (DOF) na ang paglilipat ng nasabing excess funds ay alinsunod umano sa provisions ng General Appropriations Act (GAA) of 2024 na pinasa ng Kongreso.

Ayon kay DOF Director Euvimil Nina Asuncion, “tranches” o paunti-unti ang pagsosoli ng pondong ito.

Nitong Miyerkules, ani Asuncion, natanggap na ng kanilang tanggapan ang dagdag na P10-B mula sa PhilHealth.

“We have to see how PhilHealth manages their financial so they asked po na tranches po ibigay ang pagri-remit ng pondo,” pahayag ni Euvimil Nina Asuncion, Director, DOF.

Sa kabuuan, nasa P30-B na ang nai-remit sa Bureau of Treasury.

Sa tanong naman kung may tsansa na hindi i-remit lahat ang excess funds o baka kailanganin ng PhilHealth ang pondo para sa ibang bagay, ang sagot ng DOF, ‘on track’ na sila sa usaping ito.

“At this point in time, I think we are on track. Susundin po nila iyong provisions din po ng General Appropriations Act kasi ito po ay standing law,” dagdag ni Asuncion.

Inilahad ng finance official na sa tranching, inaasahang sa susunod na buwan, mayroon na namang iri-remit na pondo at masusundan pa.

Sinabi naman ni Asuncion na ang tanging paraan upang ito’y mapigilan ay kung mag-i-isyu ng Temporary Restraining Order (TRO) ang Korte Suprema.

DOF, tatalima sakaling mag-isyu ng TRO ang Korte Suprema sa isyu ng PhilHealth fund transfer sa National Treasury

Handa aniya silang tumalima sakaling mag-isyu ng TRO ang Korte Suprema kaugnay ng paglilipat ng pondo ng PhilHealth sa National Treasury.

“The only way that this can be stopped is, alam ninyo naman po may kaso po sa Korte Suprema ‘no kung mag-i-issue po sila ng TRO, that’s the time. Of course, we have to heed that TRO,” ani Asuncion.

Nabatid na pinakokomento na ng Korte Suprema ang Kongreso at Malakanyang sa isyu ng PhilHealth fund transfer.

Sa petisyong inihain ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel, Philippine Medical Association at ng ilang health advocate, kinuwestyon ng mga ito ang legalidad ng probisyon ng 2024 GAA, na nagpapahintulot sa paglilipat ng sobrang pondo ng government-owned and controlled corporations (GOCCs) sa National Treasury para mapondohan ang unprogrammed appropriations.

Bukod rito, umapela rin sila na mapatawan ng TRO ang paglilipat ng halos siyamnapung bilyong piso (P89.90-B) na excess fund ng PhilHealth.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble