INAPRUBAHAN ng Department of Budget and Management (DBM) ang pagpapalabas ng Special Allotment Release Orders (SAROs) sa kabuuang halaga na P550-M upang masakop ang funding requirements para sa out-patient department (OPD) building ng National Kidney and Transplant Institute (NKTI).
Ayon kay DBM Sec. Mina Pangandaman, ang naturang pondo ay bilang suporta sa pagpapahusay ng mga pasilidad sa pangangalagang pangkalusugan sa bansa.
Dagdag pa ng Budget chief, gagamitin ang pondo para sa pagtatayo at pagpapalawak ng OPD building ng NKTI, na idinisenyo upang maging isang one-stop shop para sa mga serbisyong panlipunan ng ospital, kabilang ang mga diagnostic at surgical facility.
Ang NKTI na dalubhasa sa paggamot at pag-iwas sa mga sakit sa bato at allied diseases ay pinalalakas ang mga kakayahan nito sa pamamagitan ng pagtatayo ng iminungkahing 8-palapag na OPD building.
Ang pasilidad ay magbibigay ng mga lugar para sa pagpapalawak ng out-patient services ng ospital na may kabuuang halaga na P1.331-B.