DISMAYADO ang dating kadre ng CPP-NPA at ng dating tagapagsalita ng NTF-ELCAC nang malamang nasa higit anim na bilyong piso lang pala ang siguradong budget ng task force sa ilalim ng General Appropriations Act (GAA).
Sa programang Laban kasama ang Bayan nitong Lunes, Enero 9, isiniwalat ni National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) Director Arnulfo Ferdinand G. Bajarin na mahigit anim na bilyong piso lamang ang natanggap na pondo ng NTF-ELCAC para sa 2023.
Aniya, taliwas ito sa unang pahayag noon ng mga senador na ibinalik na ang 10-bilyong pisong pondo ng ahensya.
Sa inilabas na GAA 2023, nakasaad na P6,336,000,000 ang inilaan na budget para sa NTF-ELCAC.
“Ang inaaprub na budget ay 6-B……dati 10 million pesos ito…..lahat yun,” ayon kay Director Arnulfo Ferdinand G. Bajarin, Directorate for Operations, NTF-ELCAC Secretariat.
Ikinagulat at ikinadismaya naman ito ng dating kadre ng CPP-NPA-NDF na si Jeffrey Ka Eric Celiz at dating tagapagsalita ng NTF-ELCAC na si former Usec. Lorraine Badoy.
“Wag naman po sana natin niloloko ang taumbayan, maliit na nga, kinapon na ninyo, nagreklamo kami. Sabi nyo ibinalik sa 10 billion that should be 10 million per brgy. 995 barangays for 2023 para sa kalsada, patubig, irigasyon, ilaw, mga basic facilities na kailangan ng mga barangay na dating ginapos ng CPP-NPA-NDF,” saad ni Jeffrey “Ka Eric” Celiz, dating kadre, CPP-NPA-NDF.
Ayon kay Dir. Bajarin, malaki ang posibilidad na mawala ang tiwala ng taumbayan sa gobyerno at ma-recruit muli ng CPP-NPA-NDF na bumalik sa armadong pakikibaka kung hindi sapat ang matanggap nilang tulong mula sa gobyerno.
“Magiging arm ito ng CPP-NPA-NDF para gumawa ulit ng storya nang sa gayon ay siraan muli ang gobyerno para makapag-recruit uli,” dagdag ni Bajarin.
Samantala, may mensahe naman ang dating tagapagsalita ng NTF-ELCAC na si Dr. Lorraine Badoy para sa mga opisyal ng gobyerno na nanunungkulan sa ating bansa.
“Do not be in public service kung wala kang pagmamahal sa ating kababayan. Huwag kang magpolitiko kung hindi totoo ang pagmamahal mo sa mahihirap kase ang mahihirap, they only have government,” ayon naman kay Dr. Lorraine Badoy, former spokesperson, NTF-ELCAC.
“Ang solution dito good governance, magsilbi para matapos ito,” ayon pa kay Badoy.
Matatandaang una nang kinumpirma nina Senate Committee on Finance Chairman Senator Sonny Angara at House Committee on Appropriations Chairman at Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co, na ibinalik na nila ang pondong 10 bilyong piso para sa task force at umaasa silang magiging mas mabilis at epektibo ang NTF-ELCAC ngayong 2023.
“We restored the budget, the everything, almost 10 Billion yun,” ang sinabi noon ni Rep. Zaldy Co, Chairman, House Committee on Appropriations.
“We agree to restore it but we ask the agency to be more efficient and … kasi as of now, it’s only two percent that were utilized for the year 2022, December na po ngayon. We urge and we no na utilize it, sayang ang 98% sa tingin natin, nakakatulong yun nang maigi. It would be more kung nagagamit nang tama nang mabilis. We’re thinking of other ways as to how make it more efficient and more effective,” ayon pa kay Co.
Kabuuang P10-B pondo ng NTF-ELCAC ngayong 2023, depende sa performance ng task force – Rep. Co
Sa isang Viber message, kinumpirma naman ni Rep. Co na nasa higit anim bilyong piso lang muna ang unang ilalabas sa ilalim ng GAA sa task force at ang natitirang pondo ay nakapende sa performance ng NTF-ELCAC.
“Fully restored siya at 10B, first release is 6.6B plus and others will be dependent on their performance if maaward and implemented agad by April the balance May 2023 then others will be release by executive agad.. depende sa bilis nila,” paliwanag ni Co.