Paaralan sa Pasay nanawagan ng aktibong gabay ng magulang sa pag-aaral ng mga bata

Paaralan sa Pasay nanawagan ng aktibong gabay ng magulang sa pag-aaral ng mga bata

PASADO alas-singko ng umaga ay nagsimula nang dumating ang mga estudyante sa Epifanio Delos Santos Elementary School sa Pasay. Sa kanilang mga mukha, bakas ang pananabik para sa unang araw ng klase.

Gaya ni Carolina Feria, todo ang suporta sa kaniyang apo na nasa Grade 2. Siya na mismo ang nag-aasikaso at naghahatid sa bata sa paaralan.

Ayon kay Lola Carolina, parehong abala sa trabaho ang mga magulang ng bata kaya’t siya na ang hands-on sa pag-aalaga at pagtutok sa pag-aaral ng apo—lalo na’t sabik aniya ito na makapasok muli sa eskwela.

Para naman kay Master Teacher Celeste Macawile, sapat ang mga pasilidad at silid-aralan sa paaralan para sa bilang ng mga estudyanteng naka-enroll ngayong taon.

Ayon pa kay Macawile, naging maayos ang unang araw ng klase dahil maaga pa lamang, bago ang graduation ng nakaraang school year, ay sinimulan na ang enrollment para sa taong 2025–2026. Nagkaroon din ng isang buwang uninterrupted vacation ang mga guro, pero kahit tapos na ang pasukan, may mga guro pa ring nag-report para magsagawa ng reading at enhancement activities para sa mga bata.

Gayunpaman, aminado si Macawile na nananatiling hamon para sa mga guro ang epekto ng pandemya sa kalidad ng edukasyon.

Dahil dito, nananawagan siya sa mga magulang na makipagtulungan sa mga guro upang mapabilis ang pagkatuto ng mga bata, lalo na’t ilang taon ding naapektuhan ng pandemya ang kanilang pag-aaral.

Katuwang ang mga magulang at guro, umaasa ang paaralan na maibabalik ang sigla at kalidad ng edukasyon sa mga mag-aaral—at muling maabot ang kanilang buong potensiyal.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble