Pag-apruba ng bakuna laban sa ASF ng FDA, ikinatuwa ng agricultural sector

Pag-apruba ng bakuna laban sa ASF ng FDA, ikinatuwa ng agricultural sector

AMINADO ang chairman ng Pork Producers Federations of the Philippines, Inc., at presidente ng Agricultural Sector Alliance of the Philippines (AGAP) Party-list Rep. Nicanor ‘Nikki’ Briones na natutuwa ang kanilang sektor sa magandang balita na ipinahayag ng FDA na mayroon nang gagamiting bakuna laban sa African Swine Fever (ASF) at pasado na ito sa pagsusuri.

Ayon pa kay Briones na bagama’t ang ASF, hindi nagdudulot ng banta sa kalusugan ng tao, nakapipinsala naman ang epekto nito sa mga baboy dahil kayang lipulin ang isang buong kawan.

“Malaking tulong po ito at matagal na pong hinihintay ng mga sektor ng pagbababuyan at ang pagkakaalam ko ay, libre ito at iyon ang isang malaking pag-asa na dumating sa ating mga magbababoy na matagal nang pinahihirapan ng ASF,” wika ni Rep. Nicanor ‘Nikki’ Briones, AGAP Party-list.

Matatandaan una nang sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., na magsisimula na sila sa pagpapakalat sa nasabing bakuna sa mga apektadong lugar.

Ayon pa kay Laurel, 150 thousand na bakuna ang agad nilang dadalhin sa mga Red Areas ng ASF partikular sa mga lalawigan ng Batangas at Mindoro na sisimulan sa susunod na buwan.

Naglaan ang DA ng P350-M na pondo para sa vaccine rollout.

Samantala, muli humihiling ang sektor ng magbababoy na sana isunod naman ng pamahalaan ang bakuna laban sa bird flu.

Ito’y upang maiwasan naman ang problema sa suplay ng itlog at manok.

“At sana isnunod naman nila ang kailangan din ng sektor ng ating poultry pangitlugang manok at broiler na magkaroon ng mabilisang bakuna para naman sa bird flu para maiwasang magkaroon ng mabilisang bakuna,” dagdag ni Briones.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble