Pag-iikot ni Mayor Sara Duterte sa iba’t ibang bahagi ng bansa, dinipensahan

Pag-iikot ni Mayor Sara Duterte sa iba’t ibang bahagi ng bansa, dinipensahan

DINIPENSAHAN ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio ang kanyang mga pagbiyahe sa iba’t ibang bahagi ng bansa para sa ginagawang konsultasyon sa pulitika sa gitna ng pandemya.

Ayon kay Mayor Sara, posibleng magtatagal pa ng dalawa o tatlong taon ang pandemya kaya kailangan niyang maging resilient.

Binigyang-diin ni Mayor Sara na totoong may pandemya ngunit hindi naman masususpinde ang filing ng Certificate of Candidacy sa Oktubre o kaya ang mismong eleksyon sa darating na Mayo.

At kailangan aniya niya na magkaroon ng desisyon kaugnay sa kanyang political career meron man o walang pandemya.

Dagdag pa ng mayora, nahahati ang kanyang buong linggo sa pagitan ng kanyang trabaho bilang alkalde, sa pulitika at sa kanyang pamilya.

Matatandaan na limang malalaking political party na sa bansa ang nagpahayag ng suporta kay Mayor Sara sakaling makapagdesisyon itong tumakbo sa pagkapangulo sa darating na halalan.

Nanguna sa presidential bet sa Pulse Asia survey

Kamakailan lang ay nanguna si Mayor Sara at Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa posibleng presidential at vice presidential candidates sa 2022 election batay sa pinakahuling Pulse Asia survey.

Ayon sa Pulse Asia, ang presidential daughter ang mas preferred candidate para sa pagkapangulo na may 28 percent.

Sinundan ito ni Manila Mayor Isko Moreno na may 14%, dating Senador Ferdinand Marcos Jr. na may 13%, at Senador Grace Poe na may 10%.

Nakakuha naman si Senador Manny Pacquiao ng 8% habang si Vice President Leni Robredo ay nakakuha ng 6% at si Senador Panfilo Lacson ay 4%.

Para sa posibleng vice presidential elections, ang kasalukuyang Chief Executive ang nanguna sa listahan kung saan 18% ng mga Filipino ang nagsabing nais nilang bomoto kay Pangulong Duterte.

Sumunod naman kay Duterte si Moreno na may 14%, Senate President Vicente Sotto III na may 10%, Marcos na may 10%, Pacquiao na may 9%, Taguig City-Pateros Representative Alan Peter Cayetano na nakakuha ng 8%, at Sorsogon Governor Francis Escudero na nakatanggap ng 7%.

Isinagawa ang national survey mula Hunyo 7 hanggang 16 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 2,400 adult Filipinos.

SMNI NEWS