Pag-post ng AI video kontra sa impeachment ni VP Sara walang masama—Atty. Panelo

Pag-post ng AI video kontra sa impeachment ni VP Sara walang masama—Atty. Panelo

IGINIIT ni dating Chief Presidential Legal Counsel Atty. Salvador Panelo na na hindi dapat ikabahala ang kumakalat na AI-generated video na nagpapakita ng estudyanteng tutol sa impeachment ni Vice President Sara Duterte.

Aniya, ang ganitong uri ng content—bagamat gawa ng artificial intelligence—ay sumasalamin pa rin sa tunay na pulso ng bayan, kaya’t hindi ito maituturing na mapanlinlang.

“Walang masama dun sa AI na nagpakitang estudyante eh kontra sa impeachment sapagkat ‘yun ay nagsasalamin lamang ng katotohanan sa baba,” ayon kay Atty. Salvador Panelo, Former Chief Presidential Legal Counsel.

Giit pa ni Panelo, kung may kailangang ikabahala, ito ay ang mga AI content na nagpapakita ng tila pagsuporta sa pangulo ng bansa, kung taliwas naman ito sa nakikita at nararamdaman ng taumbayan.

Pagdidiin nito na ang taumbayan na ang nagsalita na ayaw nila sa performance o mga hakbang ng kasalukuyang administrasyon partikular sa impeachment ni VP Sara.

At patunay rito ang naging resulta ng nagdaang midterm election kung saan ilan lamang sa mga kaalyado ng administrasyon ang nakalusot.

“Eh siguro kung ang AI mo eh pinakita mo ron na ang mga estudyante ay suportado si Presidente Marcos Jr. eh ‘yun ang mali kasi hindi totoo ‘yun, nakikita ‘yun sa resulta ng halalan,” aniya.

Nauna nang pumalag si Press Secretary Atty. Claire Castro hinggil sa nasabing video dahil fake news daw ito kasi isa itong AI.

Matatandaang ibinahagi nina Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa at Davao City Vice Mayor Baste Duterte ang naturang AI video ng estudyanteng tutol sa impeachment ni VP Sara.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble