MAY komento ngayon ang isang civic leader kaugnay ng paghihigpit sa visa requirements ng mga papasok na Chinese sa bansa.
“Hindi ko rin maintindihan, ‘yung kanang kamay natin we want to welcome tourist pero ung kaliwang kamay natin tinutulak natin silang paalis,” pahayag ni Teresita Ang-See | Civic Leader, Presidente ng Kaisa para sa Kaunlaran.
‘Yan ang reaksiyon ng civic leader na si Teresita Ang-See sa hakbang ngayon ng Marcos Jr. administration na higpitan ang visa requirements ng mga Chinese na papasok sa bansa.
Rason dito ng Bureau of Immigration (BI), kailangan ito para ma-monitor ang ilegal na aktibidad na kinasasangkutan ng mga Chinese.
Kaya naman magdaragdag sila ng bagong security layer para masala ang mga papasok sa Pilipinas.
Ngunit, para kay Ang-See na tanyag sa Filipino-Chinese Community, dagdag problema ang hakbang ng gobyerno.
“Why? Parang bakit mo daragdagan ng ganiyan eh kung masamang tao ang pupunta dito, kayang-kaya nilang bayaran ‘yan. If money is your problem, kayang-kaya bayaran ng mga sindikato even na e-impose mo ng mga ganoong klaseng requirements,” dagdag ni Ang-See.
Diin pa ni Ang-See, matagal nang mahigpit ang visa requirements papasok sa Pilipinas.
Sa tingin nito, hindi mapipigilan ang lahat ng masamang loob na pumasok sa bansa kahit pa maghigpit ang immigration.
Kaya pati mga lehitimong turista at may business transactions sa bansa ay damay.
“I would believe na karamihan sa mga Chinese na ‘yan na nag-a-apply ay people who really wanted to come here. Kaya ibalik na lang nila? Like ‘yung tour group. Or tour agency, papasok ka ng mga bisita dito, ‘pag kulang ang lumabas saka ipi-penalize mo ang tour agency, ‘yung travel agency. Meron naman measure to put in place na ‘yung masasamang element hindi makapasok. Pero ang nangyayari kasi, ‘yung masamang elemento—sila ‘yung may pera, sila yung ‘mayang mag-backdoor kaya sila yung nakakapasok,” aniya.
Nanawagan naman si Ang-See sa gobyerno na kung tunay ang intensiyon, na pigilan ang pagpasok ng mga Chinese na may kaso, ay patawan na ng permanent ban ang Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) sa bansa.
POGO operations sa bansa, ipinanawagang ihinto; Mga taga-Senado at Kamara, sangkot umano sa POGO operations
“Gusto naming mangyari na matagal na… na sana isara na lang ‘yang mga POGO business kasi ‘yan ‘yung nagiging salot kasi ‘yan ‘yung nagiging dahilan ng mga problema naming ito,” ayon pa kay Ang-See.
Karamihan sa mga Pilipino ay hindi pabor na payagan pa ang mga POGO na manatili at mag-operate sa bansa.
Sa December 2023 survey ng Pulse Asia, na may 1,200 respondents, 85% ng mga na-survey ay hindi pabor sa POGO operations sa bansa.
Nasasangkot sa iba’t ibang isyu ang POGO operations tulad ng pagpatay, kidnapping, human trafficking, crypto scam, money laundering, prostitution, at illegal detention.
Pero bakit nga ba hindi mahinto-hinto ang POGO operations?
“Eh matagal na naming panawagan ‘yan. Isara ‘yang mga POGO dahil salot ‘yan. But salita lang tayo, both Congress and Senate, may mga POGO businesses ang people on top sa ating legislature na dapat sila ang gagawa ng batas para malimitahan ‘yan,” dagdag nito.