Pag-ulan ng yelo sa ilang bahagi ng bansa, normal lang kapag malakas ang thunderstorm—PAGASA

Pag-ulan ng yelo sa ilang bahagi ng bansa, normal lang kapag malakas ang thunderstorm—PAGASA

SA kuhang video ng netizen na si John Pablo nitong Lunes ng hapon, kitang-kita ang pag-ulan ng yelo sa Tolentino St. sa San Francisco del Monte, Quezon City.

Nabanggit ng uploader sa video na pagkatapos ng pagbagsak ng mga tipak ng yelo ay sinundan ito ng malakas na hangin at ulan.

Nakaranas din kamakailan ng pag-ulan ng yelo ang mga residente sa Carmen, North Cotabato.

Gayundin sa ilan pang bahagi ng bansa.

Paliwanag ni Ana Liza Solis, ang Climate Monitoring and Prediction Section Chief ng PAGASA, kahit hindi pa pumapasok ang La Niña sa bansa, ay nagiging karaniwan na rin ang pagkakaroon ng mga ganitong pangyayari lalung-lalo na sa local thunderstorm activities.

Nabubuo ang hailstorm kapag malakas ang isang thunderstorm.

“Kapag nagkakaroon tayo ng ulan, may mga possible po ng mga maliliit na tipak ng yelo ang nadudulot po nitong ating mga tag-ulan. Dahil sa sobrang init nga po ng ating panahon, so itong mga severe thunderstorm cloud po ay posible pong ma-form,” saad ni Ana Liza Solis, Climate Monitoring & Prediction Section Chief, PAGASA.

Idinagdag pa ni Solis na mas nagtatagal ang tubig sa loob ng mga ulap kaya nagiging yelo na ito.

Wala na ring pagkakataong matunaw ang mga yelo kapag bumagsak na sa kalupaan.

“At dahil sa sobrang severe niya at napakalaki, kung halimbawa po siya ay papatak dito sa ating kalupaan at mababa po iyong base ng cloud na iyon, so posible siyang pumatak as yelo or maliliit na tipak ng yelo; hindi siya natutunaw kaagad habang bumababa sa kalupaan,” dagdag ni Solis.

Ang mga nararanasang pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa, ayon sa PAGASA, ay hudyat na posibleng magkaroon na o magsisimula na ang nalalapit na tag-ulan.

Sa anunsiyo ng PAGASA, inaasahang magsisimula sa ikatlong bahagi ng taon o sa Hulyo ang La Niña.

DILG, nakikipag-ugnayan na sa mga LGU para sa paghahanda sa La Niña

Sa katunayan, naghahanda na ang pamahalaan sa inaasahang pagdating ng La Niña sa mga darating na buwan.

Sinabi ni Department of Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Marlo Iringan na marami nang ugnayan na ginagawa ang ahensiya sa mga lokal na pamahalaan.

Lalung-lalo na aniya pagdating sa pagpapatupad sa mga protocol na nakapaloob sa operation list kaugnay ng disaster preparedness.

“Ito ay mayroon tayong ginawang disaster preparedness manuals para sa ating mga lokal na pamahalaan lalung-lalo na ang paghahanda sa mga bagyo at sa mga localized weather disturbances. Ito po ay ginawa natin mula noong 2016,” ayon kay Usec. Marlo Iringan, DILG.

Sinabi ni Iringan na ang paglilinis sa estero o sa mga kanal ay isa lamang sa mga estratehiya o sa mga kinakailangang gawin ng mga LGU sa paghahanda sa La Niña.

Ilan din sa mga hakbangin na kinakailangang gawin ng mga lokal na pamahalaan ang i-update ang kanilang local contingency plans o La Niña Action Plan.

“Kinakailangan din na magkaroon ng close coordination with PAGASA at with the Department of Environment and Natural Resources particularly iyong ating Mines and Geosciences Bureau nang sa ganoon ma-update iyong kanilang mga local hazard maps on rain-induced landslides and floods,” ayon pa kay Iringan.

Dapat din aniyang ma-assess ng LGUs ang structural integrity at kapasidad ng kanilang vital facilities katulad ng evacuation centers.

Sa Marikina City, na isa sa mga bahaing lugar tuwing malakas ang ulan o di kaya’y tuwing may bagyo, ay walang hinto ang dredging operations sa Marikina River bilang paghahanda sa papalapit na La Niña.

Sinabi ni Marikina Mayor Marcy Teodoro na mas lumalim at lumawak pa ang nasabing ilog kung ikukumpara noon.

“Pag nag-dredge tayo ang iniimprove natin ay ‘yung water carrying capacity nung ilog. Ibig sabihin mas malaking volume ng tubig ang maaaring dumaan doon,” wika ni Mayor Marcy Teodoro, Marikina City.

 

 

Follow SMNI NEWS on Twitter