Pagbabakuna, ikinababahalang babagal dahil local campaign –DILG

Pagbabakuna, ikinababahalang babagal dahil local campaign –DILG

IKINABABAHALA ng National Vaccination Operation Center (NVOC) ang posibilidad ng mas mababang vaccination turnout sa pagsisimula ng local campaign period sa Biyernes, March 25.

Kaya naman may paalala sa mga LGU ang Department of Interior and Local Government (DILG). 

Marami pang mga lugar ang hindi maibaba sa Alert Level 1 dahil sa mababang COVID-19 vaccination coverage, kaya paalala ng DILG sa mga lokal na pamahalaan dapat tuloy tuloy ang pagbabakuna.

Ayon kay DILG Undersecretary Epimaco Densing III dapat na ipagpatuloy ng mga LGU ang COVID-19 vaccination kahit na magsisimula na ang pangangampanya ng mga lokal na kandidato sa Marso 25.

“Ang gusto naming sabihin dito na ipagpatuloy pa sana natin ang pagbabakuna despite the fact na nagsisimula na po ang kampaniyahan sa lokal na eleksyon. So sabay-sabay na po starting March 25, national and local campaign, pero sana huwag pabayaan ang pagbabakuna,” saad ni Usec. Epimaco Densing III, DILG

Aniya, may mga lugar sa bansa ang hindi pa maibaba sa Alert Level 1 dahil hindi pa naaabot ang 70% vaccination rate.

Nauna nang sinabi ng National Task Force Against COVID-19 na plano ng gobyerno na magsagawa ng special vaccination days sa mga lugar na may mababang vaccination rate.

Ayon kay Presidential Adviser for COVID-19 Response Sec. Vince Dizon na bibigyang prayoridad ng gobyerno ang mga liblib na lugar lalo na ang mga nasa ilalim ng Alert Level 2.

Kabilang na rito ang mga lugar sa BARMM at ilang mga lugar sa Region 12, Region 11, Region 7 at Reg. 6.

 

Follow SMNI News on Twitter