Pagbili ng drones at hi-tech na gamit, iminungkahi sa DND

PARA matulungan ang mga Pilipinong mangingisda sa West Philippine Sea (WPS), iminungkahi sa Department of National Defense (DND) ang pagbili ng drones at hi-tech na kagamitan para mamonitor at mabantayan ang lugar.

Sinabi ni Deputy Speaker Bernadette Herrera-Dy sa DND at sa Philippine Coast Guard (PCG) na isama sa kanilang 2022 budget ang pagbili ng microsatellites, smart buoys, unmanned aerial drones at iba pang hi-tech na gamit para magbantay sa West Philippine Sea.

Ito aniya ay mga cost-effective technology solutions para magmanman sa teritoryo ng bansa.

Giit nito na kailangan ng ating mga mangingisda ang ganitong klase ng suporta para matulungan sila sa pangingisda sa malalalim na bahagi ng karagatan.

Matatandaan na hinahabol at tinataboy ng mga Chinese vessel sa pinag-aagawang teritoryo ang mga mangingisdang Pinoy kaya mainam na mamonitor ayon sa mambabatas ang mga ganap sa lugar.

Sa ngayon ay budget preparation na naman ng mga ahensiya para sa 2022 budget.

Samantala, iniutos ni Armed Forces for the Philippines Chief of Staff Gen. Cirilito Sobejana ang pagdagdag ng militar na magpapatrolya sa West Philippine Sea.

Matatandaang, napabalita ang pangha-harass ng mga sundalo ng China sa mga media sa loob ng Exclusive Economic Zone ng bansa.

Bukod dito, inihayag na rin Gen. Sobejana na makatutulong ang media coverage upang mamonitor ang lugar.

Dagdag pa ni Sobejana, maaring mag-escort ang mga sundalo sa mga mangingisda upang makausap ang mga sundalo ng China.

(BASAHIN: Balikatan Exercises 2021, sisimulan na ngayong Lunes)

SMNI NEWS