Pagbisita kay FPRRD sa loob ng ICC Detention Center, pahirapan

Pagbisita kay FPRRD sa loob ng ICC Detention Center, pahirapan

PAHIRAPAN ang pagbisita kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa loob ng detention center ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands. Mismong si Vice President Sara Duterte at anak ng dating Pangulo ay ilang beses na hindi inaprubahan ang request para madalaw ang sariling ama.

Noong Biyernes, sa unang pre-trial hearing ni dating Pangulong Duterte sa ICC, muntik nang hindi makita ni VP Sara ang ama.

Sinabi ni Atty. Harry Roque na hindi inaprubahan ng ICC ang aplikasyon ni VP Sara para mabisita si dating Pangulong Duterte sa loob ng detention center bago magsimula ang pagdinig.

Pero dahil siya ang pinakamalapit na kamag-anak ay pinangakuan na lamang si VP Sara ng protocol officer ng korte na makikita niya ang dating Pangulo pagkatapos ng hearing.

Noong weekend, muli na namang naibasura ang hiling ni VP Sara na mabisita ang kaniyang ama. Sa halip, sabi ni Roque, ay nagdala na lang sila ng tsinelas, pajama, kumot, at mga gamot—na lahat ay kinailangang may kasamang liham bago maipasok sa loob ng detention center.

Around 8:00 in the evening, 8:00 in the evening. Pero hindi po kumpirmado na iyan ay naibigay na kay Presidente Duterte,” ayon kay Atty. Harry Roque, Dating Presidential Spokesperson.

Ngayong Lunes, hindi pa rin inaprubahan ng ICC ang request ng pangalawang pangulo na makita ang kaniyang ama.

Wala rin siyang approval to visit together with ES Medialdea. ES Medialdea requested that the Vice President and Kaufman be allowed to visit with him. Wala pa rin siyang approval. I don’t think it will happen. I think it will be ES Medialdea again alone who will have access to the president,” pahayag ni Roque.

Ayon kay Roque, nagsumite na sila ng aplikasyon nina VP Sara at Sen. Robinhood Padilla upang araw-araw na makabisita si Duterte, pero wala pa ring tugon mula sa ICC.

Dahil dito, ang tanging natitirang opsiyon ay ang pagiging accredited nina VP Sara at Roque bilang legal counsel ng dating pangulo.

“Kaya naman po si VP Sara is being accredited bilang legal counsel para nga po magkaroon siya ng right to visit in and out na unfettered. Kasi kung relative, kada pasok mo, mayroon kang application na pipirmahan. But as legal counsel, she will have the right to confer with President Duterte as required,” dagdag pa ni Roque.

Iginiit din ni Roque na mas pabor sila sa ganitong paraan, at nilinaw na walang anumang batas sa Pilipinas ang malalabag dito.

Sa ngayon, hinihintay na lamang na mapirmahan ni dating Pangulong Duterte ang conforme upang opisyal na silang makilala nina VP Sara bilang kaniyang mga abogado.

Roque: Pangulong Duterte, isasapinal pa ang magiging defense team niya

Samantala, dumating na sa Netherlands si Atty. Nicholas Kaufman, ang napiling lead counsel ni VP Sara para sa kaniyang ama.

Pero paglilinaw ni Roque, si dating Pangulong Duterte pa rin ang magpapasya kung sino-sino ang magiging bahagi ng kaniyang defense team.

“Ang desisyon pong kinakailangang gawin ng presidente ay ito: Siya ba ay will be represented by a team to be funded by the legal defense fund of the court or kung siya ay magbabayad ng sarili niyang representation?” paliwanag ni Roque.

Kung pipiliin ng dating pangulo ang court funding, tatlong abogado lamang ang sasagutin ng korte—kasama ang isang imbestigador at isang admin staff. Pero kung pribadong abogado ang kukunin, walang limitasyon sa dami ng maaaring humawak sa kaniyang depensa.

Ngayong Lunes, magpupulong sina VP Sara, Roque, Medialdea, at Kaufman sa unang pagkakataon upang talakayin ang susunod na mga hakbang.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble