Pagbuwag sa NTF-ELCAC, tinutulan ng DSWD

Pagbuwag sa NTF-ELCAC, tinutulan ng DSWD

INIULAT ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na gumagana ang ginawang hakbang ng pamahalaan upang matulungan ang mga dating rebelde na nagbalik-loob sa gobyerno.

Sa press conference, umaga ng Huwebes ay sinabi ni DSWD Undersecretary for Inclusive-Sustainable Peace and Special Concerns Alan Tanjusay na dahil na rin sa iba’t ibang ginagawa ng ahensiya kaya’t tumaas ang bilang ng mga sumukong rebelde.

“Very successful, sasabihin ko na siguro na 99% ang success rate na strategy ng DSWD introducing the sustainable livelihood program.”

“Effective siya dahil mas maraming natulungan natin na mga kababayan dahil again as I’ve said sa 10 rebelde, siyam o walo ay sumali sa armed movement dahil sa extreme poverty sa kagutuman at kawalan ng trabaho, walang income, hindi nakapag-aral,” ayon kay Usec. Alan Tanjusay, Inclusive-Sustainable Peace and Special Concerns, DSWD.

Itinuturing ng opisyal na accomplishment ng DSWD ang dumaraming bilang ng mga rebelde na natulungan upang makapagbagong buhay.

Sinabi ni Tanjusay na sa ilalim lamang ng administrasyong Marcos ay nabigyan din ng tulong ng ahensiya ang mga sumukong miyembro ng Moro National Liberation Front (MNLF), Moro Islamic Liberation Front (MILF), at maging ng Abu Sayyaf Group (ASG).

Kabilang sa mga ayuda ay ang tulong-pinansiyal sa ilalim ng social protection package, cash-for-work at livelihood grants nang magkaroon sila ng pagkakakitaan.

Dahil dito, positibo ang opisyal na sa ilalim ng pamumuno ni President Ferdinand R. Marcos, Jr. ay mawawakasan na ang kasamaan na ginagawa ng mga Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).

“Yes, masasabi ko ‘yan na with full confidence dahil malapit na, patapos na ‘yung armed movement dito sa bansa tapos na ‘yung paradigm na ‘yun and nakikita ko wala nang pag-asa ‘yung armed struggle,” ayon kay Usec. Alan Tanjusay, Inclusive-Sustainable Peace and Special Concerns, DSWD.

Sa datos ng DSWD, as of November 23, mayroon nang higit sa 26,000 decommissioned combatants MILF,  907 MNLF members, 322 ex-Abu Sayyaf members at 17,499 na dating NPA ang nabigyan ng tulong.

Punto ni Usec. Tanjusay, malaking bagay ang ginawang pag-agapay ng pamahalaan upang matugunan ang kahirapan na dinaranas ng mga dating combatant at rebelde na pangunahing dahilan kung bakit sila nakumbinse noon na humawak ng armas at kalabanin ang gobyerno.

Kung kaya’t, mariing tinutulan ni Tanjusay ang rekomendasyon ni Fry na buwagin ang NTF-ELCAC.

“Hindi puwedeng buwagin ang NTF-ELCAC dahil napakalaking tulong at napakalaking kontribusyon ng NTF-ELCAC sa whole of government approach in addressing root causes of insurgency, root causes of rebellion and root causes of recruitment into extremism. Hindi kami papayag dahil napaka-epektibo nito at malaking tulong ang NTF-ELCAC kung kaya’t maraming kababayan natin ang sumusuko at nagbalik-loob sa pamahalaan at gustong mamuhay ng tahimik at maayos,” dagdag ni Usec. Alan Tanjusay.

Punto nito na walang karapatan na manghimasok ito sa ginagawang hakbang ng pamahalaan lalo na ang mawakasan ang armed-conflict sa bansa.

Tila misinformed ang naturang UN expert kung kaya’t hindi nakikita ang katotohanan sa likod ng tagumpay ng whole of government approach sa pamamagitan ng NTF-ELCAC.

Gayunpaman, pinaplano na rin ng DSWD ang pagtatayo ng Peace and Development Regional Project Management Office.

Target ng ahensiya na maitayo ito sa Region 9, 10, at 12 na siyang tututok sa pagpapatupad ng mga peace program sa mga former rebel.

Sa huli, naniniwala si Usec. Tanjusay na sa inisyatibong ito at sa patuloy na pagsisikap ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Department of National Defense (DND) ay matutuldukan na ang arm conflict sa bansa sa ilalim ng administrasyong Marcos.

Follow SMNI NEWS on Twitter