PAGDINIG ni Senator Risa Hontiveros, ‘trial by publicity’—Pastor Apollo C. Quiboloy.
Sa unang pagkakataon ay dumalo si Pastor Apollo C. Quiboloy sa imbestigasyon ng Senado para sagutin ang mga akusasyon laban sa kaniya.
Sa naturang pagdinig ay nagkaharap si Pastor Apollo kasama ang kaniyang mga co-accused at ang mga nag-aakusa.
Sa kabila ng mga mabibigat na paratang tulad ng sexual abuse at pang-aabuso na lumutang sa Committee on Women ang Children ni Risa Hontiveros ay kalmadong sumagot ang butihing Pastor.
Maging ang alegasyon ng dating kaanib at manggagawa sa Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na sina Teresita Valdehueza at Yulia Titova ay pinabulaanan din ni Pastor Apollo at hinamon din niya ang mga ito na magsampa ng kaso sa korte.
“Tinatanggi ko po at walang katotohanan ang kanilang mga sinasabi kundi sa aking paningin ay kabaliktaran.”
“Ngunit hinahamon ko po sila mag-file ng kaso sapagkat ito ay mga kriminal na alegasyon at para maging fair ay mag-file po sila ng kaso laban sa akin o kanino mang gusto sila mag-file, laban sa sino mang Kingdom leaders o members because we are under the law of the Republic,” saad ni Pastor Apollo C. Quiboloy.
Itinanggi rin ni Pastor Apollo na may polisiya ang KOJC na magpalimos sa mga miyembro nito at maging ang pag-torture sa pamamagitan ng dry fasting.
Hindi naman nagkomento si Pastor Apollo kaugnay sa akusasyong may ‘Angels of Death’ umano ang KOJC na pilit ding iniuugnay sa Duterte Death Squad.
Sa huli ay tinawag naman ni Pastor Apollo na ‘trial by publicity’ ang pagdinig na ginawa ni Hontiveros.
Ayon sa butihing Pastor, ang nasabing komite sa Senado ay hindi isang korte na magdedesisyon kung guilty nga ba siya o hindi.
“Ang mabibigat na alegasyon nila na walang katotohanan ay dapat patotohanan nila sa isang korte where I can defend myself para malaman ang katotohanan.”
“Because this committee is not the one to decide whether I am guilty or not. It should be a court of law,” giit ni Pastor Apollo.
Ikinadismaya naman ni Pastor Apollo ang aniya’y ‘di pagiging fair o patas ng komite ni Hontiveros.
Kinuwestiyon niya kung bakit ‘di natalakay ang human rights violations ng Philippine National Police (PNP) sa nangyaring 16-day KOJC siege.
Ito ay sa kabila ng pagkakataong ibinigay para pagsalitain sa komite si dating Davao Region Police Director Nicolas Torre III kaugnay sa nasabing issue.