Pagdinig sa Senado sa patuloy na nawawalang balikbayan boxes ng OFWs, patuloy na ipinanawagan

Pagdinig sa Senado sa patuloy na nawawalang balikbayan boxes ng OFWs, patuloy na ipinanawagan

HALOS hindi na mabilang ang mga dokumento at hawak na reklamo ng isang grupo ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) dahil sa patuloy na nawawala ang balikbayan boxes ng mga manggagawang Pilipino abroad.

Gaya ni Rutchie kung saan-saan na aniya siya itinuturo para matukoy ang nawawala niyang balikbayan boxes.

Sinabi rin ni Rutchie na pumunta na rin siya sa kanilang forwarder at itinuro ang Bureau of Customs (BOC) hanggang makarating na rin siya sa Manila International Container Terminal (MICT) pero bigo pa rin na makuha ang kanilang balikbayan boxes.

Nag-aalala na ito na baka mauwi na rin sa auction kung tuluyan na aniya siyang mabigo na makuha ang kanilang balikbayan boxes.

“If ever na i-auction ‘yan, hindi pa rin naming maano, sira na lahat ng laman ng mga boxes namin, kasi may dalawang taon na sa amin, may isang taon na ‘yong box nila hindi pa rin na deliver, hindi nakita kung nasaan, eh tig aapat na box sa isang tao, ganun kadami ang mga balikbayan box na nawawala,“ ayon kay Rutchie Mabalatan, Overseas Filipino Worker.

Paliwanag ni Jeffrey ang chairman ng OFW assistance advocates buwan ng Pebrero pa lang ng taong kasalukuyan ay limang senador na ang nabigyan niya ng sulat para magsagawa ng pagdinig kaugnay sa hinaing ng libu-libong mga OFW na nawawalang ng balikbayan boxes.

“So tayo paulit ulit pa rin nagpunta, ang ginawa ko na naman ulit, itong April 1, limang senador, bigyan sana kami ng maalalayan sana kami ng mga senador na ito para sa gagawing hearing sa balikbayan boxes, until now.“

“Wala pa ring nangyari,“ pahayag ni Jeffrey Balsa, Chairman, OFW Assistance Advocates.

Sa mga ipinadalang sulat, tanging si Sen. Lito Lapid lamang ang naglabas ng resolusyon noong buwan ng Marso para imbestigahan ito.

Sa inihaing Senate Resolution No. 950, hiniling ni Lapid sa Senate leadership na agad aksiyunan ang nasabing problema dahil mahalaga umanong mabigyan ng leksiyon at parusa ang mga delingkuwenteng at manggagantsong cargo foreign at local forwarders.

Giit ni Lapid, dapat aniyang mabigyan ng kagyat na solusyon ang hinaing ng mga OFW sa pamamagitan ng malilikhang batas at matiyak na hindi na ito mauulit pa sa susunod na panahon.

Ikinadismaya ni Lapid ang ganitong istilo ng mga cargo forwarding company sa abroad at sa Pilipinas dahil inaabot ng ilang buwan hanggang dalawang taon bago mai-deliver ang mga balikbayan box.

Pero ayon sa grupo, kahit naglabas na ng resolusyon ay patuloy pa rin ang natatanggap na reklamo sa nawawalang balikbayan boxes ng mga OFW.

“Bakit kapag ibang isyu ang bilis nyong maglabas ng resolusyon, ang bilis nyong magsagawa ng imbestigasyon, bakit sa aming mga OFW? Ito tingnan nyo kung gaano kakapal ang mga evidence namin, isama mo pa to, ‘yung para sa kanya, isama mo pa yan, gaano kakapal na ebidensya na balikbayan?” dagdag ni Balsa.

“So ang nangyayari sa inyo ngayon ay katulad sa common na nangyayari noon nang hindi pa si Tatay Digong ang umupo as Presidente, para kayong bola, pingpong,“ wika naman ni Katrena Verona, OFW Advocate.

Sinabi naman ni Atty. Roy M. Señeres kung wala pa rin aksiyon ang Senado ay maaari naman direktang ireklamo ang cargo companies dahil sa mga nawawalang balikbayan bayan boxes ng mga OFW.

“May nakikita po tayong criminal liability on the part of the forwarders or cargo companies na punishable under the revised penal code, nakikita po natin dito na meron ditong deceive or fraud, meron ditong malice,“ saad ni Atty. Roy M. Señeres, President & CEO OFW Family Club Inc.

Sinabi rin ni Señeres na handang tumulong ang kaniyang tanggapan para sa mga OFW na nawawalan ng balikbayan boxes.

“Yung initial step po dito is ‘yung pag hain ng complain affidavit nila, gagawin pong pormal ‘yung mga sumbong nila, ‘yung mga sinulat po nila dito, ’yung affidavit po nila mismo ang gawing pormal, tutulong po tayo diyan at ma-organize ‘yan,” dagdag ni Señeres.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter