INAASAHAN na mas lalong iinit pa ang pagdinig sa Senado ngayong araw kaugnay sa kontrobersyal na Sugar Order Number 4 ng Department of Agriculture (DA).
Sa nakaraang pagdinig ng makapangyarihang Blue Ribbon Committee ay ginisa ng mga senador si dating Agriculture Undersecretary Leocadio Sebastian na umaming pinirmahan niya ang Sugar Order Number 4 batay sa otoridad na ipinagkaloob sa kanya ni Executive Secretary Vic Rodriguez sa pamamagitan ng isang memorandum.
Nakasaad aniya sa nasabing memo na pirmado ni Rodriguez na uupo si Sebastian bilang ex officio chairman ng lahat ng opisina, committee, at konseho kung saan miyembro ang kalihim ng agrikultura.
Sa pagdinig ay iginiit ni Sebastian na sarili niyang desisyon na pirmahan ang Sugar Order Number 4 na walang nag-uudyok sa kanya, bagay na hindi mapaniwalaan ng ilang miyembro ng Blue Ribbon Committee sa Senado.
Samantala, inihayag naman ng ilang senador na hindi pa abswelto si Executive Secretary Vic Rodriguez sa pagbuo ng Sugar Order Number 4 na sana ay nagpapasok ng 300,000 metriko tonelada o sobra-sobrang asukal sa bansa.
Ani Senator JV Ejercito, mayroon pa siyang mga katanungan at mga nais na mabigyang linaw na mga detalye.
“It’s too early to clear people when we haven’t really finished the investigation. I myself have yet to ask questions and clarifications,” pahayag ni Ejercito.
Si Senate minority leader Aquilino Koko Pimentel ay may kaparehong sentimyento kay Senator JV. Nais niyang maliwanagan ang interpretasyon sa memo ni Sebastian na pirmado ni Rodriguez.
“No one is off the hook yet. I have a few questions for ES Rodriguez. On his testimony, double check the facts. Interpretation of his memo to Usec Sebastian & then follow up questions depending on the answers given,” pahayag ni Pimentel.
Ipinunto naman ni Senador Risa Hontiveros kung paano maabswelto si ES Rodriguez gayong di naman nito binigyan ng pagkakataon ang ibang mga mambabatas na makapagtanong.
“I moved to recall the Executive Secretary and this motion was seconded by my fellow senators. How can he be cleared of any liability kung hindi man niya pinaunlakan ang tanong ng mga senador?” ayon kay Hontiveros.
Matatandaan na si Rodriguez ay umalis sa pagdinig matapos masagot ang iilan lamang na katanungan dahil may hahabulin aniya siya na Cabinet meeting.
Sa kabila nito ay naniniwala naman si Senate President Juan Miguel Zubiri na walang kinalaman si Rodriguez sa planong pagbuo ng Sugar Order No. 4.