Paggamit ng face shield, muling inirekomenda ni Pangulong Duterte dahil sa banta ng Omicron variant

INIREKOMENDA muli ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsusuot ng face shield dahil sa naitalang Omicron variant ng COVID-19 sa Pilipinas.

Naniniwala si Pangulong Duterte na malaking kontribusyon ang pagsusuot ng face shield sa gitna ng mababang mga kaso ng coronavirus sa bansa.

Sinabi ng Punong-Ehekutibo na sa mga takot o ayaw mahawaan ng COVID- 19, ay pinayuhang huwag itapon ang kanilang face shield.

Binigyang-diin ng Pangulo na ang face shield, na may kasamang face mask, ay dagdag proteksyon laban sa virus.

Binanggit din ng Chief Executive ang pagpuna ng ibang bansa sa Pilipinas sa pagpapatupad noon ng mandatoryong paggamit ng face shield kahit nakatulong naman ito sa publiko sa pag-iingat laban sa virus.

Una na ring ikinonsidera ng pamunuan ng National Task Force Against COVID-19 ang posibilidad na ipatupad muli ang face shield policy dahil sa pagkatala ng Omicron variant sa Pilipinas.

Kung maalala, noong Nobyembre inalis ng pamahalaan ang mandatoryong paggamit ng face shield sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 1 hanggang 3.

Subalit, obligado pa ring gamitin sa mga lugar na nasa Alert Level 5 at granular lockdowns.

Sa mga area naman na nasa Alert Level 4, nasa pasya na ng local government units at private establishments kung pananatilihin o ibasura na ang polisiyang pagsusuot ng face shield.

Samantala, aminado ang presidente na natatakot siyang magkaroon ng mga panibagong variant ng COVID-19 at mauwi sa muling pagsirit ng mga kaso sa bansa.

Sambit ng Punong-Ehekutibo na masyado nang manipis ang pondo ng pamahalaan at nangangamba siyang baka wala nang magastos sa pagtugon sa pandemya.

Gayunpaman, batid ni Pangulong Duterte na hindi maiiwasang makapasok sa bansa ang mas nakakahawang Omicron variant lalo na’t marami nang umuuwi sa Pilipinas.

Sa kasalukuyan mayroon nang naitalang tatlong kaso ng Omicron variant sa bansa.

Samantalang, nagdulot ang Omicron variant na ito ng panibagong pagsipa ng mga kaso ng COVID-19 sa ibang mga bansa partikular sa Europa.

SMNI NEWS