NILINAW ni Department of Defense (DND) Secretary Gilbert Teodoro na hindi malayong gawin ng Pilipinas ang paggamit ng Navy ship sa mga susunod na resupply mission ng pamahalaan sa Ayungin Shoal.
Pero paglilinaw ng kalihim, depende ito sa rekomendasyon ng Philippine Navy, pinuno ng Armed Forces of the Philippines (AFP), at National Security Council kung kailangan nga ba ang paggamit ng mas malalaking barko sa naturang misyon.
Iginiit ng kalihim na hindi niya maaaring pangunahan ang desisyon na ito bagkus nangangailangan ito ng mas malalim na proseso ng pag-aaral bago ito isasagawa.
Samantala, nang balikan ni Sec. Teodoro ang matagumpay na resupply mission ng Pilipinas sa Ayungin Shoal, aminado ang kalihim na hindi sila nasiyahan sa panibagong harassment na ginawa ng Chinese Coast Guard (CCG) sa ilang barko ng Pilipinas habang naglalayag ito patungong BRP Sierra Madre na nakabase sa Ayungin Shoal.
Bagama’t walang water attack na ginawa ang Tsina, pero aminado ang kalihim na delikado at iresponsable ang pagmaniubra at paggitgit ng CCG vessel na nagdulot ng bahagyang tensiyon sa resupply team ng Pilipinas.
Sa ngayon, wala pang impormasyon ang pamahalaan kung kailan uli gagawin ang resupply mission sa Ayungin Shoal pero tiniyak ng gobyerno na hindi sila magpapatinag sa anumang hamon sa karagatan lalo na sa loob ng pag-aari nito.