NAGPALIWANAG ang Philippine National Police (PNP) kaugnay sa naudlot na assignment ni Police Lt. General Michael John Dubria bilang susunod na Deputy Chief for Administration o top 2 man ng PNP.
Ito’y kaugnay sa lumabas na assignment order kay General Dubria na itinatalaga bilang kapalit ng nagretirong si retired Lt. General Rhodel Sermonia na may petsang January 29, 2024 ngunit bigla ring itong binawi ng national headquarters.
Ayon kay PNP PIO chief Col Jean Fajardo, wala aniya itong kinalaman sa pagiging Davao Police ni Dubria kung bakit binawi ang posisyon sa kaniya.
Giit ni Fajardo, premature ang nasabing order at hindi ito dumaan sa tanggapan ni PNP chief General Benjamin Acorda, Jr. at kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
Paglilinaw ng PNP, ang pagtatalaga sa top 2 at top 3 ranks ng PNP Command Group ay pawang desisyon ng Pangulo.
Sa ngayon nananatiling bakante ang posisyong ito habang wala pa ring paggalaw sa iba pang posisyon sa loob ng organisasyon.