POSITIBO ang political power couple na sina San Jose del Monte City Mayor Arthur Robes at Lone District Congresswoman Florida “Rida” Robes na mas magiging dekalidad ang mga serbisyo ng kanilang lungsod kung magiging highly-urbanized city (HUC) ito.
Ayon sa mag-asawa na mas maraming trabaho, kalidad na serbisyo at higit na mapabubuti ang buhay ng mga taga-San Jose del Monte City sa Bulacan oras na maaprubahan ang plebisito sa lugar kasabay ng paglaki ng populasyon at pangangailangan ng mga residente nito.
Upang makuha ito, pinangunahan ng mag-asawang Robes ang paghikayat sa mga kababayan na bumoto ng YES bilang HUC sa darating na Oktubre 30, 2023 kasabay ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.
Kung magkagayon, asahan na anila ang mas maraming trabaho at hanapbuhay na papasok sa lungsod dahil sa malaking pondo na makukuha nito mula sa national government na siya namang ilalaan para sa dekalidad na edukasyon, programang pangkalusugan at imprastraktura.
Nilinaw ng pamahalaang lungsod ng San Jose del Monte na hindi lang para sa kanila ang benepisyo ng pagiging highly urbanized city kundi maging sa mga katabing lalawigan at siyudad nito.
Noong Disyembre 2020, ipinroklama ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang lungsod ng San Jose del Monte, Bulacan bilang highly-urbanized city sa bisa ng Proclamation No. 1057. Kailangan na lamang na bumoto ng YES ang mga taga-San Jose del Monte sa panlalawigang plebisito upang maging ganap na HUC.