Pagkakaiba ng Cha-cha ng Duterte admin at kontrobersiyal na PI ngayon, ipinaliwanag ng dating House Speaker

Pagkakaiba ng Cha-cha ng Duterte admin at kontrobersiyal na PI ngayon, ipinaliwanag ng dating House Speaker

BINASAG ni Davao del Norte Cong. Bebot Alvarez ang kaniyang katahimikan sa isyu ngayon ng kontrobersiyal na people’s initiative (PI) para amyendahan ang Saligang Batas.

Sa panayam sa programang SMNI Nightline News, kinondena ni Alvarez ang isinusulong na PI para sa Charter change (Cha-cha).

“Ang alam natin, kapag babaguhin natin ang Saligang Batas, kinakailangan ang layunin ay para sa taumbayan. Kung anong makabubuti sa taumbayan. Hindi kung anong makabubuti sa interes ng isang tao. Ng mga pulitiko. Hindi dapat ganon,” ayon kay Rep. Pantaleon ‘Bebot’ Alvarez, Former House Speaker.

Nauna nang naugnay ang pangalan ni House Speaker Martin Romualdez sa isyu ng PI.

Pero, nilinaw ng mga kaalyado nito na hindi siya ang nasa likod ng inisyatiba.

“It isn’t the speaker actually who initiated this…Wherever they got that information, I don’t know, siguro sinisiraan lang,” ayon kay Rep. Erwin Tulfo, ACT-CIS Party-list.

Una nang kumalat sa mga balita na binabayaran umano kapalit ng ayuda ang pumipirma ng mga pabor sa PI upang luwagan ang economic restrictions ng 1987 Constitution.

Ngunit, marami sa mga ito ay hindi naintindihan ang isyu ng Cha-cha.

“Isang requirement kasi para baguhin ‘yung Saligang Batas ay kinakailangan maintindihan ng taumbayan. Ano ba ‘yung dapat baguhin? Kailangan maintindihan nila ‘yun. Meron pa ‘yang process na ‘yung i-educate mo ‘yung masa, i-educate mo ‘yung tao. Bakit ba natin…” dagdag ni Alvarez.

Wala pang pahayag si Romualdez sa isyu.

Samantala, ikinumpara naman ni Alvarez ang pagsusulong noon ng Cha-cha sa Duterte administration sa layuning magkaroon tayo ng federal form of government.

Aniya, malinaw ang tahak ng nakaraang pamahalaan kumpara sa kasalukuyang liderato.

Katunayan, kahit sino aniya noon ay puwedeng silipin ang hinanda nilang draft constitution.

“Malinaw, alam natin kung ano ang layunin. In fact, bumuo pa ng isang komisyon no na pinanguluhan ni Chief Justice Renato Puno. Hindi kagaya ngayon. Ngayon magpapapirma ng mga kunwari petitioners para dito sa people’s initiative. Pero, ginagamit ‘yung AICS (Assistance to Individuals in Crisis Situation). Pera ng gobyerno ang ginagamit,” ani Alvarez.

Mayroon din umanong anti-political dynasty provisions sa pagtutulak noon ng Cha-cha ani Alvarez.

Aminado naman ang dating House Speaker na kinapos sa panahon ang Duterte admin para sa federalism.

Naniniwala naman si Alvarez na may gustong maging prime minister ng Pilipinas kaya ipinipilit ang Cha-cha.

Ang prime minister ang sentro ng kapangyarihan ng mga bansang nasa parliamentary form of government.

Saklaw rito ang kapangyarihan ng pagpapalakad sa bansa, pagbuo ng mga polisiya, appointment ng mga itatalaga sa gabinete, pagpasa ng mga batas, budget control maging sa crisis management.

At sa kasalukuyang set-up, ang Kongreso ang pipili kung sino ang iluluklok na prime minister.

Nasa likod ng PI, nais maging prime minister—Cong. Alvarez

“Malamang! Kasi ‘yung isang nagsusulong diyan alam niyang hindi siya mananalo ‘pag tumakbong presidente. Dahil alam mo, para tumakbo kang presidente, kailangan na kailangan malakas ‘yung appeal mo- charisma. Itong isang nagnanais na isang presidente, parang Supreme Court ito eh? Walang appeal. Appeal to heaven ka na kasunod niyan,” aniya.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble