Pagkakaroon ng WPS label sa Google Maps, walang magiging epekto sa arbitral ruling ng UNCLOS—Atty. Panelo

Pagkakaroon ng WPS label sa Google Maps, walang magiging epekto sa arbitral ruling ng UNCLOS—Atty. Panelo

KINILALA ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang hakbang ng Google na maglagay ng “West Philippine Sea” sa Google Maps bilang isang hakbang patungo sa mas malawak na pagkilala sa soberanya ng Pilipinas.

Para kay Col. Francel Margareth Padilla, spokesperson ng AFP, ang hakbang ng Google ay isang mahalagang kontribusyon sa tapat na representasyon at kaalaman ng publiko ukol sa isyung ito.

“As defenders of national sovereignty, the AFP sees this as a valuable contribution to truthful representation and public awareness,”ani Col. Francel Margareth Padilla,

Ngunit para kay dating Chief Presidential Legal Counsel Atty. Salvador Panelo, hindi ito makakaapekto sa patuloy na pakikitungo ng China sa teritoryong pinag-aawayan. Ayon kay Panelo, hindi rin sinusunod ang mga arbitral rulings at wala ring epekto ang mga ito, lalo na’t may lakas ang China at wala ring ginagawa ang Pilipinas upang ipatupad ito.

“Wala rin, hindi rin sinusunod din iyan eh, wala ring sumusunod din diyan. Lalong-lalo na if they have the wherewithal, they have the arms. Kaya tingnan mo, kaya arbitral ruling tayo, eh hindi naman tayo, hindi rin kinikilala, wala ring magawa,” pahayag ni Atty. Salvador Panelo, Former Chief Presidential Legal Counsel.

Bagama’t mahalaga ang pagtatanggol sa ating soberanya, muling ipinayo ni Atty. Panelo na ang solusyon sa ganitong mga usapin ay ang diplomasya at pakikipagkaibigan sa mga bansang may alitan.

“Kaya nga diplomasya pa rin at pakikipagkaibigan pa rin ang magiging solusyon sa lahat ng conflict between countries. ‘Pag magkakaibigan, madaling mag-usap, magkakaibigan eh, nagbibigayan. Pero ‘pag hostile ka, talagang hindi kayo magkakaunawaan diyan, at hahantong talaga iyan sa away,” aniya.

Ang bagong label na “West Philippine Sea” sa Google Maps ay makikita malapit sa pagitan ng Luzon at isla ng Palawan.

Matatandaan na noong 2016, ang arbitral tribunal ng UNCLOS ay pumabor sa Pilipinas. Idineklara nitong walang bisa ang historical claims ng China sa mga bahagi ng dagat na sakop ng tinatawag na nine-dash line.

Sumasaklaw ito sa mahigit 90% ng West Philippine Sea, na siyang katimugang bahagi ng South China Sea.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter