MATAPOS ang masalimuot na pangyayari na kumitil sa buhay ng 1 sundalo na si private first class (PFC) Sher Nelson B. Casayuran ay mas lalong tumindi ang kagustuhan ng mga mamamayan na tuluyan na ngang mapuksa ang New People’s Army (NPA).
Araw ng Linggo, Oktubre 8, nang ipagbigay-alam sa mga awtoridad ang isang ulat na may 10 miyembro ng communist terrorist group (CTG) na pawang mga armado ang gumagala sa San Fernando, Laur, Nueva Ecija na naghahasik ng takot sa komunidad at pinipilit ang taumbayan na sila ay suportahan.
“Those CTG (communist terrorist group) terrorizing the community. Pinipilit nilang sumuporta ang mga tao sa kanila kasi hindi na nga sila makagalaw dahil wala na silang suporta ng masa. Kaya panay ang pananakot nila sa mga tao,” ayon kay MGen. Andrew Costelo, 7thIB.
Kaya naman agad na rumesponde ang kasundaluhan sa lugar at dito na nga sumiklab ang engkuwentro sa pagitan ng dalawang puwersa na siyang nagresulta sa pagkamatay ni Casayuran.
‘‘Kung titingnan natin, kung walang rebelde, walang New People’s Army sa isang lugar, tahimik naman sana ‘yung lugar. Dito natin makikita nga sa nangyaring encounter nung Oktubre 8 na kung saan mga concerned citizen sa may San Fernando, Laur nagbigay po ng report hinggil po dito sa presensiya ng NPA. Ibig sabihin, ayaw na po talaga nila ng presensya ng rebeldeng NPA sa kanilang lugar po.’’
‘‘Dito natin makikita na talagang pagod na ang ating mga kababayan sa pananakot ng mga rebeldeng NPA and ayaw na po nila ng kaguluhan, ayaw na po nila ng presensiya ng mga rebeldeng NPA lalong-lalo na diyan sa probinsya ng Nueva Ecija,’’ ayon naman kay Maj Al Pueblas, NOLCOM Spokesperson.
Bagama’t nasawi man sa laban, isa pa ring karangalan ang magbuwis ng buhay na ipinaglalaban ang seguridad at kapakanan ng mga mamamayan, kaya naman hindi na kailangan pang mag-alala ng mga Pilipino dahil handa ang kasundaluhan at lahat ng puwersa ng pamahalaan upang tuluyan na ngang mapuksa ang salot na CPP-NPA-NDF.
‘‘Wala na pong dapat ikatakot ‘yung ating mga kababayan lalong-lalo na sa may San Fernando, Laur. We assure na ‘yung proteksyon, ‘yung seguridad na kailangan nila dito ay maipo-provide na ng ating Armed Forces of the Philippines (AFP) in coordination with the local PNP and the local government unit (LGU),’’ dagdag pa ni Pueblas.
Sa ngayon ay tahimik at payapa na ang bayan ng San Fernando, Laur at hindi rin titigil ang ating kasundaluhan hangga’t di napupuksa ang rebeldeng grupo.
Pormal na ring nai-turn over sa pamilya ni Casayuran ang kaniyang labi at kasama ng mga naiwang pamilya.
Ang pagdadalamhati ng buong tropa ng kasundaluhan na kasama nito na kailanma’y hindi malilimutan ang katapangan at kabayanihang ipinakita nito upang maprotektahan lamang ang mamamayan ng Laur.