MAHIGPIT na ipinaalala ng Commission on Elections (COMELEC) na bawal ang paggamit ng anumang recording o image capturing device tulad ng cellphone sa panahon ng botohan.
Sa isang televised briefing, sinabi ni COMELEC spokesperson Atty. John Rex Laudiangco na ang pagkuha ng litrato o video ng balota o habang bumuboto ay malinaw na paglabag sa secrecy at sanctity ng halalan.
“Kailangan po secret ang ating pagboto, pini-preserve natin ang sanctity ng ating halalan, bawal po ang paggamit ng anumang recording or image capturing device tulad ng cellphone, huwag po ninyong pipiktyuran kahit kayo ay bumoboton,” saad ni Atty. John Rex Laudiangco, Spokesperson, COMELEC.
Dagdag pang paalala ni Laudiangco, huwag ding kuhanan ng larawan ang screen ng Automated Counting Machine (ACM) dahil ito aniya’y isang election offense.
Ipinaliwanag ng tagapagsalita na ang election offense ay isang kasong kriminal na may kaakibat na pagkakakulong ng isa hanggang anim na taon; pagkakatanggal ng karapatang bumoto; at perpetual disqualification to hold public office.
Kaya ani Laudiangco, dapat panatilihing sagrado ang pagboto.