Paglikha ng bagong korte sa 14 na lugar, aprubado na sa komite sa Senado

Paglikha ng bagong korte sa 14 na lugar, aprubado na sa komite sa Senado

SA pangunguna ni Sen. Francis “Tol” Tolentino ng Senate Justice and Human Rights Committee ay aprubado na ang paglikha ng mga sangay ng Regional, Municipal, at Metropolitan Trial Courts sa 14 na lugar sa bansa.

Ito ay upang maibsan ang tambak na mga kaso sa mga korte at mapabilis na rin ang paggulong ng hustisya sa Pilipinas.

Sa pagdinig nitong araw ng Martes sa pangunguna ni Sen. Tolentino ay nilinaw sa Korte Suprema kung ano ang mga dapat isaalang-alang sa paglikha ng karagdagang korte sa ilalim ng partikular na mga lugar.

Pang-una, ano ang ibig sabihin ng ‘manageable level’? Pangalawa, magkano ang halaga na kinakailangan kapag nagtatag ng bagong hukuman? Hindi lang ito ang estruktura kundi pati ang sahod ng clerk of court at ng court personnel. Pangatlo, ilang fiscal ang kailangan ng Department of Justice kapag nagtatag ng bagong hukuman?” ayon kay Sen. Francis Tolentino.

Ayon kay court administrator Justice Raul B. Villanueva na 300 kaso kada korte ang itinuturing na ‘manageable’.

Idinagdag pa niya na ang pangunahing halaga para sa sahod kapag itinatatag ang isang hukuman ay P5-M.

Kinakailangan naman ng hindi kukulangin sa dalawang prosecutor para sa Regional Trial Court (RTC) at Municipal Trial Court (MTC), at isang public attorney sa kahit anumang uri ng korte.

Ang nasabing pagdinig ay nagresulta sa pagsumite ng mga panukalang batas sa Senate Plenary para sa paglikha ng RTCs at MTCs sa mga lugar.

Kabilang dito ang Rosario at San Juan sa Batangas, Cabagan sa Isabela, Navotas, Pagadian sa Zamboanga del Sur, Antipolo City sa Rizal, Calauag sa Quezon Province, at Dinagat Islands.

Bukod dito, ang mga panukalang batas para sa pagdagdag ng korte sa Island Garden City of Samal sa Davao del Norte, Malaybalay sa Bukidnon, Ormoc sa Leyte, San Carlos sa Pangasinan, San Juan City, at Gingoog City sa Misamis Oriental ay pumasa rin sa committee level ng Senado.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter