UPANG mapaigting ang ugnayan ng mga polisiya sa pagitan ng tatlong ahensiyang pang-edukasyon, muling inihain ni Senator Win Gatchalian ang isang panukalang batas na lilikha ng National Education Council (NEDCO).
Sa ilalim ng Senate Bill No. 2017 o ng National Education Council Act, nililikha ang NEDCO upang magkaroon ng institutionalized na sistema ng pambansang ugnayan, pagpaplano, pagmonitor, pagrepaso, at pamamalakad sa pagitan ng Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Layon ng panukalang batas na magkaroon ng national education agenda na ibabatay sa mga pambansang planong pangkaunlaran.
Isasaad sa national education agenda ang strategic vision ng bansa sa edukasyon, mga layunin, estratehiya para sa maayos na pagpapatupad ng mga programa, at mga rekomendasyon sa usapin ng pondo.
Kabilang sa mga magiging kapangyarihan ng NEDCO ang pagpapatupad ng mga hakbang upang magkaroon ng mataas na marka ang bansa sa mga assessment gaya ng National Achievement Test, Programme for International Student Assessment, Education Index, Education for All Development Index, at iba pang mga sukatan para sa growth at development sa sektor ng edukasyon.
Sa ilalim ng panukalang batas, ang Pangulo ang magiging Chairperson ng NEDCO at magiging Co-Chairpersons naman ang DepEd Secretary, CHED Chairperson, at TESDA Director-General.
Magiging miyembro din ng NEDCO ang Speaker ng Mababang Kapulungan, Pangulo ng Senado, at ilang mga miyembro ng Gabinete.
Sa muling pagbuhay ng panukalang paglikha sa NEDCO, binalikan ni Gatchalian na nirekomenda ng 1991 Congressional Commission on Education (EDCOM) ang paglikha ng isang coordinating body kasunod ng pagkakahati sa tatlong sub-sector ng sistema ng edukasyon sa bansa.
Bagama’t naging mas tutok ang tatlong sub-sector sa kanilang mga sariling programa, pinuna naman ng Presidential Commission on Educational Reform (PCER) noong 1998 na nagdulot ito ng mga posibleng overlaps, gaps, inconsistencies, at kawalan ng ugnayan sa mga polisiya, plano, at mga programa.
“Sa pamamagitan ng ating panukalang bumuo ng National Council for Education, mapapaigting natin ang ugnayan sa iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan upang maiangat ang kalidad ng edukasyon sa ating bansa,” ani Gatchalian, Chairperson ng Senate Committee on Basic Education.
Nakasaad din sa panukalang batas na magkakaroon ng five-year horizon ang national education agenda na taon-taong rerepasuhin ng NEDCO.