NASA huling bahagi na ng paglilinis ang pamahalaan sa nangyaring oil spill matapos ang paglubog ng Motor Tanker (MT) Princess Empress sa Oriental Mindoro.
Dumating na ang vessel na gagawa sa pinal na paghigop sa natitirang langis mula sa lumubog na barko.
Ito ang ibinalita ng binuong NTF on Oil Spill Management, araw ng Huwebes.
Ayon kay Office of the Civil Defense (OCD) Administrator at National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Ariel Nepomuceno, nakatakda nang umpisahan ang aktuwal na paghigop ng natitirang langis na nasa lumubog na barko.
Kung magkakaroon ng magandang panahon, posibleng matapos ang operasyon sa loob ng isang buwan o mas maikli pa.
Paliwanag pa ni Usec. Nepomuceno, hanggang mayroon pang langis sa lumubog na barko ay naririyan pa rin ang banta ng pagtagas nito.
Sa pinakahuling datos ng NTF Oil Spill, umaabot sa mahigit 107 lugar sa Oriental Mindoro, Palawan, Antique, at Batangas ang apektado ng oil spill.
Nakaapekto rin ito sa mahigit 200-K katao o mahigit 42-K pamilya mula sa 262 barangay.
Aabot naman sa halos P60-M ang nasira sa sektor ng pangisdaan sa MIMAROPA at Region 6.
Halos P1-B, nagastos ng pamahalaan sa Oriental Mindoro oil spill—NTF
Samantala, umaabot naman sa mahigit
P630-M ang halaga ng tulong na naipamahagi ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan sa malaking epekto ng naturang oil spill.
Pinakamalaking halaga ng tulong ang naibigay ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na umaabot sa mahigit P611-M.
Pero ayon kay Usec. Nepomuceno, umaabot na sa halos P1-B ang nagagastos ng pamahalaan dahil sa epekto ng oil spill.
Pangingisda sa bayan ng Pola, Pinamalayan at Naujan, Oriental Mindoro, bawal pa rin—BFAR
Samantala, inihayag naman ng Bureau of Fishery and Aquatic Resources (BFAR) na maaari na muling makapangisda sa mga lugar na naapektuhan ng oil spill maliban sa tatlong lugar.
Ito ay ang bayan ng Pola, Pinamalayan, at Naujan.
Final phase ng oil clean-up, posibleng abutin ng 1 buwan— NTF
Sa datos pa rin ng NTF Oil Spill, mula nang lumubog ang MT Princess Empress noong Pebrero 28, 2023 na nagdulot ng oil spill, nasa mahigit 44-K na litro ng oil water mixture ang nakolekta na sa kasalukuyan.
Nakakolekta rin ang pamahalaan ng mahigit 10-K sako, halos 1000 drums, mahigit 100 balde at halos 650 1-tonner bag ng buhangin o debris na kontaminado ng langis ang nakuha mula sa CALABARZON, MIMAROPA and Region VI.
Nakatakdang magsagawa ng scientific conference ang iba’t ibang concerned agencies na pangungunahan ng Office of Civil Defense (OCD) upang talakayin kung ano ang gagawing recovery sa nasirang kalikasan na dulot ng oil spill.