POSIBLENG abutin pa ng katapusan ng taong 2023 bago tuluyang malinis ang oil spill sa karagatan ng Oriental Mindoro.
Ito ang inihayag ni Office of Civil Defense (OCD) Information Officer Diego Agustin Mariano, lalo’t kumalat na ang langis sa Taytay, Palawan maging sa Verde Island sa Batangas.
Maliban dito, posible ring abutin ng ilang taon bago tuluyang matanggal ang epekto ng oil spill dahil naaapektuhan nito ang biodiversity, marine life, at kabuhayan ng mga residente.
Puspusan pa rin ang ginagawang paglilinis ng mga awtoridad sa oil spill at paglalagay ng oil spill boom upang mapigilan ang pagkalat at pinsala ng langis.
Tumutulong din ang ilang eksperto mula Japan habang nagpahayag na rin ang Estados Unidos at Korea na tutulong gamit ang kanilang makabagong kagamitan.