Pagpapalabas ng P15.1-B para sa konstruksiyon ng halos 5-K silid-aralan, inaprubahan ng DBM

Pagpapalabas ng P15.1-B para sa konstruksiyon ng halos 5-K silid-aralan, inaprubahan ng DBM

INAPRUBAHAN ng Department of Budget and Management (DBM) ang pagpapalabas ng pondong mahigit P15.1-B para sa konstruksiyon ng halos 5-K silid-aralan sa higit 1-K site o lugar sa buong bansa.

Ayon kay DBM Secretary Amenah Pangandaman, ang napapanahong pagpapalabas ng pondo na pawang hiling ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of Education (DepEd), ay nagpapakita na hindi nag-aatubili ang administrasyong Marcos na mamuhunan sa DepEd.

Binigyang-diin ni Pangandaman ang kahalagahang magtayo at magkumpuni ng mga silid-aralan para makasabay sa pagtaas ng bilang ng pagpapatala sa mga pampublikong paaralan.

Isinaysay rin ng kalihim na kailangan ng mga bata ng ligtas, malinis, at maaliwalas na silid-aralan para makapag-aral nang mabuti.

Una nang inihayag ni Vice President at Education Sec. Sara Duterte na ang kakulangan sa silid-aralan ang pinakaagarang isyu sa edukasyon, sabay nangakong tutugunan ang pangangailangang ito sa imprastruktura.

Magugunitang nangako si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa kaniyang mensahe ng badyet na bibigyang prayoridad ng pamahalaan ang pagpapagawa ng mga bagong silid-aralan sa ilalim ng Basic Education Facilities (BEF) ng DepEd sa muling pagbabalik ng face to face class.

Aabot ang kabuuang halaga ng konstruksiyon sa mahigit P15-B.

Kasama na rito ang: Pagpapagawa; Pagpapalit; at Pagkukumpleto ng mga kindergarten; Elementary at Secondary school buildings; at Technical vocational laboratories; Paglalagay o pagpapalit ng disability access facilities; Konstruksiyon ng water; Sanitation facilities; at Site improvement.

Sa kabilang dako, nasa mahigit P131-M ang gagamitin para sa gastusin sa Engineering and Administrative Overhead (EAO).

Kasama rito ang: Pag-hire ng mga tao; Pagsasagawa ng preliminary at detailed engineering activities; Pre-construction activities; Construction Project Management; Testing; at Quality Control; Acquisition; Rehabilitation; at Repair ng related equipment at parts; Training; Communication; per diem; at Transportation expenses; at Contingencies na may kinalaman sa pre-construction activities.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter