INAPRUBAHAN ng Department of Budget and Management (DBM) ang pagpapalabas ng Notice of Cash Allotment (NCA) na nagkakahalaga ng P5-B para sa muling pagtatayo, rehabilitasyon, at pagpapaunlad ng mga komunidad na apektado ng kaguluhan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ayon kay DBM Secretary Amenah Pangandaman, ang alokasyon na sumasaklaw sa Special Development Fund sa ilalim ng mga probisyon ng National Government sa Republic Act (RA) 11054 o Organic Law para sa BARMM—ay ilalabas taon-taon sa loob ng 10 taon, mula sa ratipikasyon ng Organic Law para sa BARMM, o isang grand total na P50-B.
Dagdag pa ni Pangandaman, sa pamamagitan ng pondong ito, inaasahang magtutuluy-tuloy ang pag-unlad ng BARMM.
Ang paglalabas ng pondo sa ilalim ng FY 2023 ay inaprubahan kasunod ng pagsusumite ni BARMM Prime Minister Ahod Ebrahim ng Cash Program na naglalaman ng cash requirements at schedule para sa programs/projects/activities (PPAs), na popondohan sa ilalim ng Special Development Fund sa FY 2023 General Appropriations Act, RA No. 11936.
Muling binigyang-diin ng kalihim ang walang patid na suporta ng pamahalaan sa kapayapaan at pagsusulong ng mga pagsisikap sa BARMM sa pamamagitan ng pagmumungkahi ng tulong pinansiyal na P80.6-B para sa FY 2024.
Kasama sa iminungkahing badyet ang Annual Block Grant ng BARMM na P70.5-B; ang Special Development Fund (SDF) na P5-B; at ang shares ng BARMM sa national taxes, fees, at charges na P5.1-B, alinsunod sa RA 11054.
Pahayag pa ng DBM chief, layunin ng Agenda for Prosperity ng gobyerno ang magandang kinabukasan ng bansa kung saan walang naiiwan na Pilipino at kasama na rito ang Muslim Filipinos.