INAPRUBAHAN ng Department of Budget and Management (DBM) ang pagpapalabas ng karagdagang Notice of Cash Allocation (NCA) na nagkakahalaga ng P8.005-B para masakop ang cash requirements ng Department of Health (DOH) sa pagpapatupad ng mga pangunahing programang pangkalusugan nito.
Ayon kay DBM Secretary Amenah Pangandaman, gagamitin ang nasabing pondo para sa pagbibigay ng Medical Assistance to Indigent and Financially-Incapacitated Patients (MAIP) na may alokasyon na P2.439-B.
Habang ang Public Health Emergency Benefits and Allowances (PHEBA) para sa mga manggagawa ng healthcare at non-healthcare workers ay may alokasyon naman na P5.566-B.
Dagdag ni Pangandaman, patuloy na susuportahan ng ahensiya ang mga programa para sa pagkalinga sa mga pasyente at mga manggagawa sa healthcare sector.
Ang Medical Assistance to Indigent and Financially-Incapacitated Patients ay ginagamit para sa pagpapaospital at suportang-medikal sa mga pasyenteng higit na nangangailangan at financially-incapacitated.
Kabilang ang, ngunit hindi limitado sa, in-patient, out-patient, komprehensibong check-up, at mga serbisyong pang-emergency, pati ang mga gamot at professional fees, kasama ng iba pa.
Bukod sa mga higit na nangangailangang indibidwal, maaari ding makatanggap ng tulong-medikal ang mga nagpapakita ng kawalan ng kakayahang magbayad o gumastos ng mga kinakailangang gastusin para sa kanilang pagpapagamot.
Sa kabilang banda, saklaw naman ng Public Health Emergency Benefits and Allowances ang lahat ng benepisyo ng healthcare worker.
Kabilang dito ang Health Emergency Allowance (HEA)/One COVID-19 Allowance (OCA), Special Risk Allowance (SRA), COVID-19 Sickness and Death Compensation, at iba pang benepisyo gaya ng pagkain, tirahan, at allowance sa transportasyon.
Inaprubahan ng DBM Chief ang pagpapalabas ng nasabing Notice of Cash Allocation noong Mayo 3, 2024.