Pagpapalabas ng pelikula sa pampublikong sasakyan, limitahan lang sa Rated G at PG movies—MTRCB

Pagpapalabas ng pelikula sa pampublikong sasakyan, limitahan lang sa Rated G at PG movies—MTRCB

PINAYUHAN ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang lahat ng mga operator at driver ng mga pampublikong transportasyon tulad ng bus na limitahan sa Rated “G” at “PG” ang mga pelikulang kanilang ipapanood sa mga pasahero.

Ang Rated G (General Patronage) ay bukas sa lahat ng edad habang ang PG (Parental Guidance) rating ay kinakailangan ng patnubay ng magulang.

Batay sa MTRCB Memorandum Circular No. 09-2011, ang lahat ng mga pampublikong sasakyan at pampublikong lugar na nagpapalabas ng “motion picture” ay itinuturing na rin na “movie theaters,” dahil ito ay accessible sa lahat.

Kaya naman, bawal na magpalabas ng mga pelikula na lagpas sa PG rating dahil maaaring naglalaman ito ng mga tema o eksenang malaswa, marahas, at nakakatakot na hindi angkop sa mga bata.

Ayon sa MTRCB ang sinumang lalabag dito ay maaaring mapatawan ng pagkakakulong ng 3 buwan hanggang isang taon, multang ₱2,000 hanggang ₱5,000 at kanselasyon ng kanilang prangkisa.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter