Pagpapalawig sa SIM registration, ‘di rason sa pamamayagpag ng scammers—Sen. Poe

Pagpapalawig sa SIM registration, ‘di rason sa pamamayagpag ng scammers—Sen. Poe

HINIKAYAT ni Senator Grace Poe ang mga awtoridad na huwag tantanan sa pagsugpo ang mga scammer sa mobile phone habang nagpapatuloy ang Subscriber Identity Module (SIM) registration.

Sinabi ni Poe, punong may-akda ng SIM Registration Act, na lumalabas pa rin sa inbox ng mga subscriber ang mga scam sa pamamagitan ng text, kabilang ang mga mensahe na nagsasabing na-block ang kanilang online bank account.

“There are still SIM farms out there and spoofing tools. Sinister minds will never stop hatching ways of stealing information and duping people,”  ani Sen. Grace Poe.

Naniniwala si Poe na mayroon pa ring SIM farms at iba’t ibang panloloko gamit ang SIM upang makapagnakaw ng impormasyon at makapanloko ng mga tao.

Sa kabila ng ulat ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na bumaba na ang bilang ng mga SPAM messages, ay sinabi ni Poe na, “hindi natin dapat maliitin ang mga lumalabag sa batas.”

Hinimok ng senadora ang DICT at mga telecommunications companies na gawin ang lahat para mairehistro ng publiko ang kanilang SIM number sa o bago ang April 26, 2023 na deadline.

Una nang iniulat ng DICT na nasa 45.8 milyon o 27.12 porsiyento ng 169 milyong SIM pa lamang ang nairehistro sa buong bansa.

Sa ilalim ng Republic Act No. 11934 ay inaatasan ang lahat ng subscriber na i-register ang kanilang mga mobile number sa kanilang network ng serbisyo.

Kapag nairehistro na ang lahat ng SIM, madali nang masusubaybayan ng gobyerno ang digital fraud at mapapanagot ang mga gumagawa ng mali.

Sa kabila ng April 26 deadline, maaaring magpasya ang DICT na palawigin ang panahon ng pagpapalista ng 120 araw pa bago ide-deactivate ang mga hindi nakarehistrong SIM card.

“The extension period, if so decided by the DICT, will be for the legitimate subscribers to register and avoid disruption in their mobile phone services.  This should not extend the heydays of the scammers,”  dagdag ni Poe.

Sinabi ni Poe na bagama’t pinahihintulutan ng batas ang pagpapalawig, ito ay dapat gamitin para mas mapaigting ang kampanya sa pagpaparehistro ng SIM.

Follow SMNI NEWS in Twitter