Pagpapaliban ng Barangay at SK Elections, legal na desisyon –PBBM

Pagpapaliban ng Barangay at SK Elections, legal na desisyon –PBBM

INIHAYAG ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcong, Jr. na walang anumang paglabag sa batas ang ginawang postponement sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Ang pahayag ng Punong Ehekutibo ay kasunod ng pagkwestyon ng ilan hinggil sa legalidad ng nasabing batas.

Ani Marcos, legal na desisyon at wala siyang nakikitang balakid sa gitna ng paglagda sa Republic Act No. 11935 o ang batas na nagpapaliban sa barangay level elections.

Saysay pa ni PBBM, hindi naman ito ang unang pagkakataon na ipinagpaliban ang naturang halalan bagkus nakailan na itong ginawa.

“We have sufficient precedent for the postponement of the Barangay and SK Elections. Nakailan na tayo, in my time lang in gov’t I have seen I think for maybe 5 postponements,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Iginiit ni Pangulong Marcos na kapangyarihan ng Kongreso na bumalangkas ng batas para sa  BSKE postponement.

“And so I think in terms of the law, it is well within the powers of Congress to postpone those elections because that is not contained in the Constitution, that is contained in the local government code,” ayon sa Pangulo.

Matatandaang nilagdaan na ni Pangulong Marcos para maging batas ang pagpapaliban sa December 2022 Barangay at SK elections, na gagawin na sa huling Lunes ng Oktubre 2023.

Sa ibang usapin, nanindigan si Pangulong Marcos na hindi na ituloy ang balak ng Pilipinas na pagbili ng chopper sa bansang Russia.

Binanggit ni PBBM na nauna nang nagdesisyon ang nakaraang administrasyon na kanselahin ang naturang plano.

At ngayon aniya, ay may ginawang hakbang na ang kanyang administrasyon kung saan kukuha ito ng alternatibong suplay sa Estados Unidos.

Inilahad pa ni Pangulong Marcos na nakikipag-negosasyon na ang Philippine government upang may mabawi kahit papaano doon sa ibinigay na down payment sa Russia.

“So, unfortunately we made a down payment that we are hoping to negotiate to get at least a percentage of that back. But the deal as it stood maybe at the beginning or in the middle of last year has already been canceled and we have secured another alternative supply for those helicopters that we need,” pahayag ng Pangulo.

Una rito, sinabi ni Russian Ambassador Marat Pavlov na dapat na kilalanin pa rin ng Pilipinas ang pagbili sa 16 military transport choppers.

Napaulat din na kinumpirma ni dating Defense Secretary ­Delfin Lorenzana na isinantabi ng Pilipinas ang helicopter deal sa Russia dahil sa pangamba sa posibleng sanctions ng US sa gitna ng Russia-Ukraine conflict.

Follow SMNI NEWS in Twitter