HINILING ni Pastor Apollo C. Quiboloy, na tutukan ng kasalukuyang administrasyon ang pagpapataas sa kalidad ng edukasyon sa bansa para hindi mapag-iwanan ng ibang bansa ang Pilipinas.
Aniya kailangan itong simulan sa pamamagitan ng pagsasaayos ng mga paaralan at pagtatalaga ng mga dalubhasa at matatalinong tagapagturo.
“Itaas ang kalidad ng ating edukasyon sa pamamagitan ng pagkukuha ng talagang mga dalubhasa’t matalino. Tapos, ayusin ang ating mga paaralan. Gawing quality ang ating paaralan. Ang ating mga kabataan ay turuan ng computer education,” pahayag ng butihing Pastor.
Isa kasi sa nakikitang problema ng butihing Pastor ay bagama’t marami ang nakapagtapos ngunit kakaunti lamang ang pumapasa o kwalipikado kung kaya karamihan sa mga ito ay nangingibang-bansa na lang.
“Ang gusto ko lang, talagang umangat tayo at ang ating mga estudyanteng pino-produce natin because ang education system ng Pilipinas nagpo-produce ito ng mga kabataan na magagamit ng ating bansa. Paano uusbong ang ating bansa kung ang kalidad ng ating edukasyon ay bagsak?” ayon pa ni Pastor Apollo.
Ani Pastor Apollo, mainam na pag-aralan din ang sistema ng edukasyon sa ibang bansa para matukoy kung paano nila nakamit ang mataas na kalidad ng kanilang edukasyon.
“Pag-aralan ninyo kung ano ang ginagawa ng Singapore. Para makita ang kanilang mga sistema kung paanong ang quality of education ay tumaas,” dagdag ni Pastor Apollo.
Matatandaan na kabilang sa nabanggit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kaniyang unang State of the Nation Address (SONA) ang pagpapalakas sa mga subject tulad ng science, technology, engineering at mathematics (STEM) upang mapaunlad ang skills o kasanayan ng mga kabataan pagdating sa teknolohiya.