UPANG mapalakas pa ang presensya ng Pilipinas sa pinag-aagawang teritoryo ng West Philippine Sea (WPS) ay isinama sa plano ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagtayo ng mga imprastraktura sa lugar.
Kasama ng AFP ang air at naval forces, Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), ay buong puwerang tumutugon ang mga ito para sa pagsuporta sa WPS.
“We are currently augmenting in as far as our operation in the West Philippine Sea is concerned, our air and naval assets in support to the National Task Force on West Philippine Sea. And working along with us is the Philippine Coast Guard and the Bureau of Fisheries and Aquatic Resources,” pahayag ni AFP Chief of Staff General Cirilito Sobejana.
Pero ayon sa AFP, kulang na kulang ang mga kagamitan para sa patrolya sa WPS kung saan ay napakalawak ng sakop nito.
Maihahalintulad ni General Sobejana ang pwersa ng Pilipinas sa isang barko na kailangan ikutin ang buong Pilipinas para magpatrolya.
Ani Sobejana, kailangan magtayo na ngayon ng mga imprastraktura para mapigilan ang pwersa ng China at ito rin ay makakamit sa pakikipagtulungan ng National Task Force on West Philippine Sea o NTF-WPS .
“We are entertaining also the idea of course subject to the wisdom of NTF-WPS, na magtatayo ng imprastraktura diyan sa naturang lugar katulad ng ginagawa din ng China. Ang dahilan kung bakit hindi tayo nagtatayo diyan noong araw kasi may napag-usapan na wala dapat magtatayo. Subalit ‘yun ay nilabag ng China kaya dapat tayo magpatayo na tayo starting now and again that is subject to the consideration of the NTF-WPS,” ayon kay Sobejana.
Umaasa naman si Sobejana na maging katuwang ang media at sambayanang Pilipino para sa ikabubuti ng bansa.
(BASAHIN: AFP, magbilang muna ng sapat na bilang ng tauhan— Pastor Apollo C. Quiboloy)
Procurement law, hiniling ng AFP na baguhin ng Kongreso
Samantala, hiniling ni Sobejana sa Kongreso na baguhin ang RA 9184 o ang Government Procurement Reform Act.
Ito ay upang mapabilis ang pagbili ng kagamitan ng militar lalo ng mga sasakyan na gagamitin sa pagpapatrolya sa WPS.
Ayon kay Sobejana, nais man nilang makabili ng mas maraming kagamitan ay inaabot sila ng napakatagal na proseso dahil sa umiiral na batas.
Nanawagan din si Sobejana sa mga mambabatas na dagdagan ang pondo para sa modernisasyon ng sandatahang lakas.
Sa ngayon, 10 barko ng Philippine Navy na naka-deploy sa pinagtatalunang teritoryo ng bansa.