PANSAMANTALANG naantala ang pagbabalik ng fuel subsidy mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), ito ay dahil sa wala pang opisyal na dokumento mula sa Commission on Elections (COMELEC) para sa pagpapatuloy nito.
Isang opisyal na dokumento mula sa COMELEC ang hinihintay na lang ng LTFRB para sa pagbabalik ng pamamahagi ng fuel subsidy sa mga tsuper.
Ayon kay LTFRB Executive Director Maria Kristina Cassion, na sa kabila kasi ng pag-anunsyo ng COMELEC na pumapayag na ito sa pagdistribute ng subsidiya, kinakailangan ng Land Bank ng katibayan o signed document.
Matatandaang pansamantalang itinigil ng LTFRB ang pamamahagi ng fuel subsidy sa mga PUV drivers at operator dahil sa election public spending ban.
Nagsimula ang public spending ban noong Marso 25 dahil sa 2022 election at epektibo ang ban hanggang May 8, 2022.
Inaasahan ng LTFRB na mailalabas ang kaukulang dokumento ngayong araw o sa darating na Lunes.
Sinabi ni Cassion na sa ngayon na nasa higit 110,000 ng mga benepisyaryong PUVs ang nakatanggap na ng subsidiya hanggang noong Marso 29.
Aniya nasa higit 83,000 pa ang pino-produce na subsidy cards habang nasa higit 60,000 naman ang ang isinasailalim sa payroll preparation.
Samantala, puspusan naman ang paghahanda ng LTFRB para sa nalalapit na Semana Santa.
Batay sa monitoring ng ahensya, hindi pa gaano karami ang mga pasahero sa mga bus terminals at may sapat pa na bilang ng mga bus na bumibiyahe.
Upang iwas ang kalituhan, naglabas naman Memorandum Circular ang LTFRB kung saan lang pwedeng sumakay at bumaba.
Narito ang mga Integrated Terminal Exchange na pinapayagan na magbaba at magsakay ng mga pasahero:
- North Luzon Expressway Terminal (NLET)
- Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX)
- Santa Rosa Integrated Terminal (SRIT)
- Araneta Center Terminal