PLANO sa mga magagandang proyekto ng Duterte administration ang nais marinig ni PDP-Laban Senator Robin Padilla sa unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Hulyo 25.
Ano ang plano ni Pangulong Marcos sa agrikultura, enerhiya, at trabaho ang ilan sa mga nais marinig ng top 1 senator sa unang SONA ng Punong Ehekutibo.
Pero ipinunto ng bagitong senador na nais din niyang mapakinggan ang mga naging pangako ni PBBM sa nagdaang panahon ng kampanya sa 2022 elections.
Partikular na sa naging pangako kung ano ang balak ng kasalukuyang Pangulo sa mga magaganda at matagumpay na programa ng Duterte administration tulad ng war on drugs at Build Build Build program.
“Excited ako kung ano ba sasabihin niya tungkol sa drug war. Anong sasabihin niya tungkol sa ‘Build Build Build.’ Tungkol sa agriculture. Ito dito kami nagkakatugma ni PBBM sa plataporma na dapat buhayin natin ang agriculture. Gusto ko marinig lahat ‘yan,” pahayag ni Padilla.
Matatandaan na ang top 1 senator ay kabilang sa mga kandidatong inindorso ng dating Pangulong Duterte sa 2022 national elections.
Makikita rin ang senador sa panahon ng pangangampanya ni Digong sa pagkapangulo noong 2016.
Pero sa kabila ng kanyang partido ipinunto ng senador na mahalaga ring mapakinggan ang plano para sa agrikultura, ang sektor na nais tutukan ng kasalukuyang Pangulo.
“Agriculture, kailangan na natin mag-produce ng sariling pagkain. Trabaho at higit sa lahat ang sa Saligang Batas,” ani Padilla.
Nais din ni Senator Padilla na malaman ang programa ng administrasyong Marcos sa kuryente kasama na ang balak niya sa paggamit ng nuclear energy.
Bagama’t isang bagitong senador ay hindi ito ang unang SONA na dadaluhan ni Padilla sapagkat lagi na siyang bisita sa SONA ni dating Pangulong Duterte.