MALINAW para kay former Presidential spokesperson Atty. Harry Roque na pinupulitika ni Risa Hontiveros ang naging pagdinig ng Senado kamakailan sa magiging 2025 budget ng Office of the Vice President (OVP).
Mapapansing sa lahat ng panel ng komite, si Hontiveros lang aniya ang kumukuwestiyon sa panukalang budget ng opisina ni Vice President Sara Duterte.
“Talaga namang the grand clash ang nangyari…at marami talagang natutuwa na mga kababayan natin dahil finally, tumayo itong si Inday Sara at hindi pumayag na i-bully siya, ang kanyang opisina at kanyang pamilya.”
“So, ang sinasabi ng lahat- about time- at tama lang naman na nanindigan si Inday Sara laban sa mga namumulitika pagdating sa budget,” pahayag ni Atty. Harry Roque, Former Presidential Spokesperson.
Sabi pa ni Roque, nagrespetuhan na lang sana sila dahil gaya ng presidente ay may trabaho at mandato rin naman ang bise presidente na magbigay ng tulong.
“Trabaho ng VP na magbigay ng tulong. By way of tradition, ang budget ng presidente at vice president, dahil sila ang mataas na mga opisina ay pinapasa na wala nang kuwestiyon.”
“‘Yung ibang mga senador, tumupad doon sa tradisyon na ‘yan kasi after all, respeto ‘yan hindi doon sa tao kundi doon sa mandato na ibinigay ng taumbayan doon sa pinakamataas at pangalawang pinakamataas na opisyales ng bayan,” diin ni Atty. Roque.
Hindi na rin sana pinuntirya pa ni Hontiveros ang P10-M na budget ng OVP para sa libro ni VP Sara na pinamagatang “Isang Kaibigan.”
Sa huli ay sinabi ni Roque, halata na ang gustong mangyari ni Hontiveros ang mawalan ng budget ang OVP para wala nang magawa si VP Sara.
“Ang gustong mangyari kasi ni Sen. Hontiveros, ma-zero budget ang vice president, kasi kung pakikinggan ninyo ‘yung P2-B na budget niya ay ‘yun ay nakalaan nga para sa tulong sa ating mga kababayan, at kung mananaig ‘yung gusto ni Sen. Risa Hontiveros na ibigay sa mga line agencies, wala nang budget ang VP,” ani Roque.