Pagsala sa mga bagong tauhan ng PNP-PDEG at unit, mas hinigpitan pa

Pagsala sa mga bagong tauhan ng PNP-PDEG at unit, mas hinigpitan pa

SINIMULAN na ng Philippine National Police (PNP) ang mas mahigpit na vetting process sa mga pulis na itinatalaga sa mga Philippine Drug Enforcement Group (PDEG).

Nais umukit ng bagong imahe ang liderato ng PNP sa kampanya kontra ilegal na droga.

Ito’y makaraan na mabalot ng kontrobersiya ang buong organisasyon sa pagkakasangkot ng ilang matataas na opisyal ng PNP mula sa narekober na 990 kilo ng shabu sa Tondo, Maynila noong 2022.

Nagresulta ito sa pagkakaaresto kay Police Master Sgt. Rodolfo Mayo, Jr.

Bagaman naalis na sa PNP-PDEG noong nakalipas na administrasyon ay muling nakabalik dito si Mayo dahil sa impluwensiya umano ng mataas na opisyal.

Kaugnay rito, mas hihigpitan pa ngayon ng PNP ang pagtatalaga ng mga tauhan nito sa PDEG at DEU.

Ayon sa tagapagsalita ng PNP na si PCol. Jean Fajardo, may direktiba nang ibinaba sa mga field commander na higpitan ang kanilang pagsala sa mga pulis na ipupuwesto sa PDEG at DEU.

Hakbang aniya ito, upang matiyak na walang sinumang pulis ang muling masasangkot sa ilegal na droga dahil sa kawalan ng maayos na pag-aaral sa rekords, integridad at totoong pagkatao ng mga ito.

Sa ilalim ng bagong vetting process, mismong ang field commander ang pipirma sa mga dokumento ng mga rekomendadong police personnel na nagpatutunay na nagsagawa sila ng mahigpit na background check sa pulis.

Oras na magkaroon ng sablay o problema sa kanilang pagsala, posibleng patawan ng serious neglect of duty ang field commander na magpupuwesto sa tiwaling pulis sa PDEG at DEU, gayundin ang kanilang station commander, provincial director at regional director.

Samantala, pag-aaralan din ng PNP ang paglilimita sa panahon ng duty ng isang pulis sa alinmang Rug Enforcement Unit na hindi lalagpas ng 5 taon upang maiwasan ang familiarity sa trabaho.

Naniniwala ang PNP na isa lamang ito sa mga hakbang ng bagong PNP chief para labanan ang problemang ilegal na droga sa bansa at sa loob ng ahensiya.

 

 

Follow SMNI NEWS in Twitter