PINAPAYAGAN na ang pagsasagawa ng mga leisure activity tulad ng paglalangoy, pagsisid, at iba pa sa Isla Verde sa Batangas City.
Ito’y kasunod ng abiso ng Philippine Coast Guard (PCG) na nakontrol ang oil spill na umabot sa karagatang malapit sa Isla Verde noong Marso 20.
Kaugnay ito sa lumubog na Motor Tanker Princess Empress, noong Pebrero 28 na nagdulot ng malawakang oil spill sa bahagi ng Oriental Mindoro.
Naagapan ang pagkalat ng oil mixtures sa baybayin ng Isla Verde dahil sa pinagsanib na puwersa ng PCG at mga volunteer na agad na nagsagawa ng clean-up operation.
Kaugnay nito, hinimok ng PCG ang mga coastal municipalities na agad na makipag-ugnayan sa ahensiya o sa mga substation ng PCG sa kanilang lugar sakaling makakita ng mga langis o oil sheens sa dagat.