PINULONG na ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang ilang ahensiya ng gobyerno, mga apektadong barangay, at awtoridad bilang paghahanda sa pagsasara sa Southbound lane ng EDSA Kamuning flyover sa darating na Mayo 1.
Ito’y dahil sasailalim ang nasabing tulay sa retrofitting at pagkukumpuni.
Ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH), isa ang Kamuning flyover sa 14 na tulay na tinukoy ng Japan International Cooperation Agency na kinakailangang kumpuhunin bilang paghahanda sa “The Big One.”
Tatagal ang unang bahagi ng pagkukumpuni mula Abril 25-Agosto 6 habang magsisimula naman ang ikalawang bahagi sa Hulyo 15 at matatapos sa Oktubre 25.
Sarado ang nasabing bahagi ng flyover para sa mga pribadong sasakyan pero bukas ito para sa mga bus ng EDSA Carousel.
Inaasahan ng MMDA na dahil sa nasabing pagsasara sa Kamuning flyover ay bibigat ang daloy ng trapiko.
Dahil dito ay hinahanda na ng MMDA ang mga alternatibong ruta tulad ng mga service road at Mabuhay lanes.