Pagsimangot, ipinagbawal sa mga kawani ng gobyerno sa Isulan, Sultan Kudarat

Pagsimangot, ipinagbawal sa mga kawani ng gobyerno sa Isulan, Sultan Kudarat

KANIYA-kaniyang diskarte ang mga bagong halal sa nagdaang 2025 elections.

Sa bayan ng Isulan, Sultan Kudarat, isang kakaibang kautusan ang ipinatutupad.

Paliwanag ni Isulan Mayor Bai Rihan Sakaluran, bawal na sa kanilang lugar ang mga nakasimangot na kawani ng pamahalaan.

Sakop ng kaniyang Executive Order Number 1 ang lahat ng empleyado ng munisipyo at barangay.

“Kasi naniniwala ako bilang public servant, bilang kawani ng gobyerno importante na tuwing nakikisalamuha po tayo sa ating mga kababayan dapat lagi po nating sinasalubong sila ng ngiti kaya bawal sumimangot,” ayon kay Mayor Bai Rihan Sakaluran, Isulan, Sultan Kudarat.

Mahigpit umano itong ipatutupad ng Mayora dahil deserve ng taxpayers ang maayos na pagtrato.

At trabaho ng mga taga-gobyerno na ibigay ang serbisyong mula sa puso para sa lahat.

“Ang sweldo namin galing sa taumbayan. Dapat lamang na suklian namin ‘yon ng magandang serbisyo simula pa lamang sa smile na pagsalubong sa kanila,” ani Sakaluran.

Babala naman ni Sakaluran sa mga susuway sa simpleng utos…

“Gusto ko magkaroon kami ng report. Irereport po sa aking opisina kung sino ang nakasimangot na mahuhuli po natin at bibigyan natin sila ng penalty,” giit ni Sakaluran.

Cleanup drive ang isinagawa ni Mayor Sakaluran sa unang araw ng kaniyang termino.

Nangako rin siya na aayusin ang lumang municipal hall at bubuksan ang Isulan sa mas maraming potential investors.

Isa rin sa mga prayoridad ang agarang pagtugon sa problema ng pagbaha.

Kasama na rito ang suliranin sa sanitary landfill.

Nanawagan ang alkalde sa mga taga-Isulan na makiisa sa pagresolba sa mga problemang ito.

“Tayo po ay naglabas ng ating kauna-unahang Executive Order na “SERVE WITH SMILE AND SERVICE WITH HEART” para sa lahat ng Municipal Employees, Barangay,” pagtatapos ni Sakaluran.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble