Pagsusulong sa Cha-cha hindi napapanahon—Sen. Imee

Pagsusulong sa Cha-cha hindi napapanahon—Sen. Imee

NAGHAYAG ng pag-aalinlangan ang ilang senador sa isinusulong na Charter change (Cha-cha) sa Kamara.

Kasunod ng pag-anunsiyo ni House Speaker Martin Romualdez na posibleng isusulong nito ang Charter change sa susunod na taon ay umani naman ito agad ng reaksiyon mula sa mga senador.

Si Sen. Imee Marcos, chairman ng Committee on Electoral Reforms sa Senado, sinabi lamang ang unang nabanggit ng kaniyang kapatid na si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.

Ani Imee hindi napapanahon sa ngayon na pag-usapan ang Charter change dahil marami pang problema sa bansa ang dapat na pagtutukan.

“Ang kulit naman. Sinabi na ni [President Marcos. na hindi napapanahon kasi dapat nakatutok tayo sa hanapbuhay ng tao at ibagsak ang presyo ng bigas at iba pang bilihin,” ayon kay Sen. Imee Marcos, Chair, Commitee on Electoral Reforms.

Kinuwestiyon din ng senadora kung bakit  pinagpipilitan na isulong ang Cha-cha  kung dalawang beses na itong ibinasura.

At nang tinanong naman kung bakit paulit-ulit na lumulutang ang pagsusulong ng Cha-cha ay sinabi ni Imee na posibleng may nangangambisyon ng mas mataas na posisyon sa gobyerno.

“Baka may gustong mag-prime minister na hindi manalo sa president,” dagdag ni Sen. Imee Marcos.

Pagsusulong ng Charter change puwede gawing batayan sa pagpili ng kandidato —Sen. Pimentel

Samantala, para naman kay Senate Minority Leader Senador Aquilino Koko Pimentel, bukas siya sa pagsusulong sa Cha-cha para repasuhin ang Konstitusyon.

Dagdag din niya na ang pagsusulong ng Cha-cha ay maaari din maging batayan sa pagpili ng kandidato para sa halalan sa 2025.

“Ngayong 2024 maybe a good time… Doon ka ba sa mababaw o malalim,” ayon kay Sen. Aquilino “Koko” Pimentel, III.

Sa isinusulong na Cha-cha ni Speaker Romualdez ay may layunin itong talakayin lamang ang economic provisions, pero para kay Sen. Koko, dapat na ring isali ang political provision.

Nilinaw rin ng batikang senador at dating chairman ng Electoral Reform na kung sa isusulong na Charter change ay ang mga kongresista lamang ang mananatili sa kapangyarihan ay marahil agad na itong tututulan ng mga senador.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble