PINAPAYUHAN ng Philippine National Police (PNP) ang publiko kaugnay sa palagiang pagsusuot ng facemask sa mga pagtitipon sa iba’t ibang rally or sortie ng mga politiko.
Kasunod ito ng pagpasok ng pangangampanya ng mga lokal na kandidato sa bansa.
“Syempre ang sa amin mandatory na ‘yung facemask in the rallies kung pupwede. Kahit open field ‘yan, we will very strict on the wearing of the facemask during rallies. This is more on…ano na eh ito ‘yung new normal natin so hindi natin maiwasan nakakapagdikit-dikit, but if we wear the mask it will lessen the possible transmission,” pahayag ni PNP Chief Dionardo Carlos.
Ayon sa PNP, sa kabila ng pagbaba ng COVID-19 restrictions, nananatili pa rin ang banta ng sakit na COVID-19.
Ayon sa ahensiya, malaki ang papel na ginagampanan ng mga organizers dito.
“We are appealing to the organizers, make sure that we remind our attendees those will attend the rallies, meaning ‘yung campaign sa lokal na they wear the required mask,” ayon pa kay Carlos.
Bagama’t naiintindihan naman ng awtoridad ang pagpapahintulot sa mga pagtitipon kung saan hindi naiiwasan ang pagdidikit-dikit, kaya naman dapat din anila maging mapagmatyag ang mga tao sa tamang distansiya sa isa’t isa.
“If we’re be going to strict about it ah ‘di mag-virtual na lang sila but as much as possible wear the mask. Wear the mask it will protect you. Kung nagdikit kayo, baon kang alcohol but we will be strict on the wearing of the mask. Kung hindi natin maiwasan ‘di na na-observe ‘yung ano hindi namin sinasabing we will not implement what I am trying to say is doon kami maghihigpit sa mask ‘pag nagdikit-dikit sasawayin but if you don’t wear the mask continue to violate, we can use the law,” dagdag ni Carlos.
Samantala, patuloy ang koordinasyon na ginagawa ngayon ng PNP ilang araw bago ang pagsisimula ng kampanya ng mga lokal na kandidato sa iba’t ibang panig ng bansa ngayong darating na Marso 25.
Ayon sa panayam ng SMNI sa tagapagsalita ng PNP na si Col. Jean Fajardo, nagsimula na aniya ang PNP sa kanilang deployment sa mga lugar na dapat na tutukan ng kanilang hanay lalo na sa usapin ng election related incidents tuwing sasapit ang panahon ng halalan.
“Alam namin na mas mabigat na challenge itong haharapin ng PNP at ibang security forces dito sa papalapit na umpisa ng local na election dahil alam po natin na mas mainit yung labanan sa local level. May mga identified na tayo na mga intense political rivalry base na rin doon sa figures natin, doon sa two previous elections. At base po dito sa mga recorded cases po na ito ay doon po magkakaroon ng adjustment pagdating po sa deployment at security coverage ng inyong PNP,” ani Fajardo.
Sa katunayan aniya, may naitala na ang ahensiya na inisyal na listahan ng mga lugar na nangangailangan ng mahigpit na pagbabantay ngayong panahon ng eleksiyon partikular na sa mga nasa yellow at orange category.
Ibig sabihin,ang mga lugar na ito ay nakapagtala na ng election related incident sa nakalipas na dalawang eleksiyon, kasama dito ang intense political rivalry, at pagpasok ng partisan armed group.
Batay sa inisyal na datos ng PNP, mayroon na silang pinag-aaralan ngayon na nasa area ng red category.
“Possibly diyan sa Mindanao areas at sa Visayas po subalit yung official list and names ng mga areas po ang may authority po na maglabas po nito ay ang COMELEC. Antayin po natin na maglabas po ang COMELEC on the part of the PNP, naisubmit na po natin yung initial findings po and assessment. We will leave it to the COMELEC to reveal and present these areas,” ayon kay Fajardo.