Pagtugon sa pandemya, prayoridad pa rin ng administrasyon sa gitna ng paghahanda sa 2022 elections —Malakanyang

Pagtugon sa pandemya, prayoridad pa rin ng administrasyon sa gitna ng paghahanda sa 2022 elections —Malakanyang

NANANATILING prayoridad ng pamahalaan ang pagtugon sa pandemya sa harap ng mga preparasyon para sa 2022 elections.

Ang pahayag ng Palasyo ay makaraang bumanat ang ilang kritiko sa ginawang assembly ng PDP-Laban kasama si Pangulong Rodrigo Roa Duterte at iba pang opisyal ng pamahalaan.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, bagama’t sinimulan nang talakayin ang patungkol sa eleksyon, ay hindi naman pinapabayaan ang pagtugon ng gobyerno sa suliraning dulot ng pandemya, bagkus, main priority pa rin ito ng administrasyon.

Dagdag pa ni Roque, nananatiling problema ang coronavirus disease, pero nakasaad sa konstitusyon na mayroong eleksyon sa Mayo.

Kaya’t kahit nasa gitna ng pandemya, pinag-uusapan na rin ang politika kung saan kinakailangang paghandaan ng political parties at maghain ng mga kandidato ng kanilang certificates of candidacy sa Oktubre.

Sinabi rin ni Roque na gayong si Pangulong Duterte ang chairman ng PDP Laban, mayroon din siyang interes kung sino ang ipapasabak ng partido para sa presidential at vice presidential race sa 2022 elections.

Sa kabilang banda, ayaw mangako ni Pangulong Duterte ng anuman sa mga Pilipino sakaling ituloy nito ang pagtakbo sa pagka-bise presidente sa susunod na taon.

Sinabi ng Punong Ehekutibo na mahirap aniyang mangako lalo na kapag magkataon na hindi sila magkaibigan ng magiging susunod na presidente.

Kaya sabi ni Pangulong Duterte, mas mainam na huwag nang magbitiw ng kung anu- anong pangako.

Sa halip, gumawa na lang aniya ng hakbang kung paano magiging produktibo at masiguradong hindi ma-aagrabyado ang mamamayan.

Kung matatandaan, inihayag ni Pangulong Duterte na ikokonsidera niya ang pagtakbo sa pagka-vice president kasunod ng pagnanais ng ruling party na PDP Laban na siya’y sumabak sa naturang posisyon sa eleksyon sa susunod na taon.

BASAHIN: Duterte, nanawagan ng pagkakaisa sa kanyang partidong PDP-Laban

SMNI NEWS