PATULOY pa rin ang pagtatanong ng paksyon ni Senator Koko Pimentel kung sino pa sa iba pang party member ng PDP-Laban ang interesado sa pagtakbo bilang pangulo sa 2022 elections.
Kasunod nito ay nilinaw ni Senator Pimentel na hindi pa rin nakakapagdesisyon ang partido kung si Senator Manny Pacquiao na nga ang kanilang presidential candidate para sa darating na halalan.
Pero ayon sa senador, si Pacquiao pa lamang ang nagpapahayag ng hangarin na tumakbo para sa naturang posisyon.
Matatandaan na sinabi ni Pacquiao sa isang panayam, na maliban sa presidency post ay pinag pipiliian din nitong bumalik sa Senado o di kayay iwan na ang pulitika.
Saad naman ni Pimentel na asahan na lang sa ikatlong linggo ng Setyembre ang kanilang pormal na anunsyo para sa magiging manok ng kanilang partido sa 2022 elections.
BASAHIN: Senador Pacquiao at Pimentel, tinawag na traydor ng senior member ng PDP-Laban
Lacson-Sotto tandem para sa 2022 national election, pormal na iaanunsyo sa Setyembre 8
Samantala, pormal ng iaanunsyo nila Senator Ping Lacson at Senate President Tito Sotto III ang Lacson-Sotto tandem para sa 2022 elections sa Miyerkules, Setyembre 8.
Si Lacson ang tatakbong presidente at si Sotto naman ang kaniyang magiging bise-presidente.
Ang dalawa ang kauna-unahang nagkumpira ng kanilang election bid para sa darating na halalan.
“We Need A Leader 2022” ang siya namang magiging official campaign slogan ng dalawa.
Patuloy namang isinasapinal ng dalawa ang kanilang senatorial slate.