Palasyo, kontra sa pahayag ni Limpin na halos punuan ang NCR hospitals

Palasyo, kontra sa pahayag ni Limpin na halos punuan ang NCR hospitals

TUTOL ang Malacañang sa pahayag ni dating health chief Dr. Maricar Limpin na marami pa ring ospital sa National Capital Region (NCR) ang malapit na sa full capacity.

Una nang inihayag ni Limpin, na siya ring presidente ng Philippine College of Physicians, na karamihan sa mga health worker ay nangangamba umano sa pagluluwag ng restriksyon sa NCR kahit pa may pagbaba na sa mga kaso ng covid-19.

Aniya, bagama’t hindi na ganoon kasama ang covid situation sa rehiyon ay marami pa ring mga ospital ang malapit nang mapuno.

Giit naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque, hindi nito alam kung saan galing ang pinagbabatayang datos ng doktor.

“Naku, ewan ko po kung saan niya kinuha ang datos niya,” ani Roque.

Ibinahagi ni Roque ang aniya’y tunay na datos sa covid situation sa bansa partikular na ang Health Care Utilization Rate (HCUR) ngayon.

Saysay ng kalihim, nasa 65% lang ang nagagamit sa Intensive Care Unit (ICU)beds sa Metro Manila; 44% ang isolation; 48% ang ward beds at 50% ang ventilators.

Sa buong pilipinas naman, aniya, 67% na lang ang utilized ICU beds kung saan nasa kategoryang moderate risk ito; 52% naman ang okupado na isolation beds; 52% ang nagamit na ward beds at 49% ang utilized na mga ventilators sa buong bansa.

Ibig sabihin ani Roque kaya ng bansa na alagaan ang mga seryosong magkakasakit ng COVID-19.

“Sa Metro Manila, halos 80% na rin ang mga bakunado, so asahan natin na kung magkakaroon ng breakthrough infection eh napakakonti po nito – .00025 nga ‘ata ang sinabi ni dr. Domingo,” saad ng palace official.

“At saka pangalawa, inaasahan nga natin na iyong kaunting magkakasakit na breakthrough infection ay hindi po ito seryosong magkakasakit. Hanapbuhay muna po ang ating asikasuhin ngayong 65% po ang ICU bed capacity natin,” dagdag nito.

Punto ni Roque na kung maaalagaan naman ang mga seryosong magkakasakit, mas mainam din na mabigyan na rin ng hanapbuhay ang mamamayan.

“Huwag po tayong lockdown nang lockdown kasi nga po wala pong tamad na pilipino, gusto lang nila ng pagkakataon na makapaghanapbuhay,” giit nito.

Pagdating naman sa updates ng covid-19 situation sa bansa as of October 14, batay sa datos ng Department of Health (DOH), may naitalang 7,835 na karagdagang kaso ng covid-19.

Mayroon namang naitalang 5,317 na gumaling at 154 na pumanaw.

Sa kabuuang bilang naman ng mga naitalang kaso sa bansa, nasa 3.1% o 84,850 ang aktibong kaso, 95.4% o 2,573,161 na ang gumaling, at 1.49% o 40,221 ang namatay.

SMNI NEWS