Pamahalaan,  nakatakdang ianunsyo ang ‘specific’ plans upang tugunan ang oil price hike –OPS

Pamahalaan, nakatakdang ianunsyo ang ‘specific’ plans upang tugunan ang oil price hike –OPS

TIYAK na iaanunsyo ng pamahalaan ang ‘specific’ plans at mga programa upang tugunan ang patuloy na oil price hike ayon kay Press Secretary Officer-in-Charge Cheloy Garafil.

Lumabas ang naturang usapin sa gitna ng ginanap na Cabinet meeting na pinangunahan ni Pangulong  Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. nitong Martes.

Ani Garafil, batid ng pamahalaan ang mga panawagan na isuspendi ang excise tax sa petroleum products.

Inilahad ng Palace official na tinitingnan ngayon ni Pangulong Marcos at ng kanyang Gabinete ang maraming opsyon para maibsan ang impact ng pagtaas ng presyo ng gasolina lalo na sa sektor ng pampublikong transportasyon.

“Mayroong discussion about that pero nagku-consider sila ng mga options and in time mag-a-announce po sila I’m sure ng mga specific plans and programs to address that issue,” pahayag ni Garafil.

Matatandaang muling umapela ang transport groups sa gobyerno para sa suspensyon ng koleksyon ng excise tax sa mga produktong petrolyo kahit sa loob ng tatlo o apat na buwan.

Kasunod ng paglagda sa Republic Act 10963 o ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN Law), kasalukuyang nagpapataw ang gobyerno ng excise tax rate na P10 kada litro para sa gasolina at P6 kada litro para sa diesel.

Samantala, may pahayag naman ang Malakanyang ukol sa pag-revive ng drilling operation ng Cadlao Oil Field sa Palawan.

 “Mismo ng ating Pangulo na itong Cadlao Oil Field sa Palawan ay mari-revive ang kanilang drilling operation at pinapakita lang nito ang commitment ng Pangulo na maghanap ng mga locally sourced oil products or oil exploration projects para matugunan iyong pagtaas ng presyo ng langis,” ani Garafil.

Sa kabilang banda, muling iginiit ni Sen. Sherwin Gatchalian ang panawagan na i-institutionalize ang fuel subsidy upang matiyak na mabubuhay ang mga apektadong sektor sa tuwing magkakaroon ng oil price hike.

Follow SMNI NEWS in Twitter